INILIHIM ng stand-up comedian na si Iyah Mina sa kanyang pamilya at mga kaibigan na nagpositibo siya sa COVID-19.
Inamin ng komedyante at transgender actress na sadya niya itong hindi ipinaalam para huwag nang mag-alala ang mga mahal niya sa buhay.
“Nag-positive po ako sa COVID-19. Kung mapapansin niyo yung mga post ko sa YouTube is solo, mag-isa lagi, dahil inisolate ko yung sarili ko, home quarantine for almost two weeks mahigit,” kuwento ni Iyah sa bago niyang vlog sa YouTube.
“Kinept ko yung privacy na yon for myself and hindi ko siya kayang i-share that’s because ayokong mag-alala din yung lahat sa akin.
“Sa katotohanan niyan, hindi ko rin sinabi sa magulang ko at saka sa kapatid ko kasi ayoko sila ma-stress,” pag-amin pa ng komedyante.
Kuwento pa niya, nalaman niyang tinamaan siya ng COVID-19 matapos magpa-swab test para sa guesting niya sa isang TV show.
“Yung araw na yon, ang aga-aga kong nagising because of the call.
Nai-stress ako, alam mo yon? So, tinananong ko pa kung hindi kaya na-contaminate yung result kasi wala naman akong nararamdaman.
“Wala akong sakit, hindi ako inubo, nilagnat, sinipon, nawalan ng panlasa, wala, eh. Wala lahat, so okay ako.
“Pero nu’ng nalaman ko siya, bigla akong nanghina. Yung doon mo na
nararamdaman yung mga dapat hindi mo naman nararamdaman. Nai-stress ako.
Sobrang nai-stress ako, overthinking like that,” patuloy pang chika ni Iyah sa kanyang vlog.
Pinayuhan siya ng isang taga-barangay na magpunta na sa quarantine facility ngunit nakiusap siyang sa bahay na lang siya magse-self isolation.
“Parang hindi ko kaya roon. Baka mas lalo akong ma-stress. So, tumawag yung doctor, in-explain ko na ‘I can handle by myself. I can stay at home.’
“Ilang araw nang kakaisip nang kakaisip, mag-isa ka lang gigising.
Magkakasakit ako lalo sa kakaisip. Parang andoon na ako sa point na yon.
Tapos ang kausap mo, virtually. Pero okay yon kasi nakakagaan ng loob.
“Iniisip ko nawalan ako ng work. Wala akong pagkakakitaan pero kaya ko ’to.
Lakas ko rin sa Panginoon, alam mo. Kung nag-positive man ako, at least ito, yung ganito lang, wala akong nararamdaman kaya nagpapasalamat ako,” lahad pa ni Iyah.
Sa muli niyang pagpapa-swab test matapos ang kanyang quarantine period, “It turns out, negative na, so wala nga. So, kinabukasan, tinawagan ako ng doctor, ‘Kailangan mong magpa-test for antibody naman.’ Nakakapraning talaga siya, hindi siya biro.”
Samantala, inamin din ni Iyah na may mga taong nandiri sa kanya nang malamang may COVID siya, “Na-bother ako doon kasi parang pinandidirihan ka ng tao sa lugar namin.
“E, may diskriminasyon na rin. Hindi naman ako na-hospitalize, wala namang nangyari sa aking masama. Pero hindi ko naman maisip magsampa ng kaso or something. Walang ganu’n.
“Pero I’m so thankful na okay ako. Nagpapasalamat lang ako sa friends ko.
Sorry kung hindi ako nag-post or ipinaalam sa lahat kasi I don’t worry anyone.
“I’m okay. Umiiyak lang ako kasi tears of joy. Salamat, Panginoon. Thank you na I’m safe, I’m okay. Grabe, grabe! Salamat talaga,” ang mangiyak-ngiyak pang pahayag ng komedyante sa kanyang vlog.