SA virtual mediacon ng seryeng “Bagong Umaga” ay diretso naming tinanong ang Business Unit Head na si Ms. Riza Ebriega tungkol sa pagkawala ni Julia Barretto sa proyekto noong “Cara Y Cruz” pa ang titulo nito.
“’The show concept is Cara Y Cruz and usually ang mga titles naman go through a lot of approvals so nothing is final until its release as final. Kahit ‘yung concept namin minsan working title,” sagot sa amin ni Mamu (tawag kay Ms. Riza).
Timing naman na nagpalit ng titulo ang teleserye sa pagkawala ni Julia?
“Naniniwala naman kami na we are supported very much by the management kaya kung anuman ‘yung pinagdaraanan ng bawa’t show every time there’s always a management call and then easily we have to move forward, eh. “You know, we believe in our concept, we believe in the show regardless kung ano ‘yung final niya and yes maybe it’s just a timing.
“It became a good timing because not only for the show but the state of the company (ABS-CBN) ngayon. If you listen to the theme song, it means so much to us. I think perfect the timing if you ask me about the timing hindi ko na ire-relate sa announcement na ‘yun (pagkawala ng aktres),” paliwanag pa ng TV executive. Inalam din namin kung kinausap nila nang personal si Julia para ipaalam na hindi na siya kasama sa “Bagong Umaga”.
“Ito po ay handled naman ng management, kasi kami we need to work on the project right away, in fact, we’re scheduled to pull out already that’s how we work here.
“Baka this is the right casting sa napagdesisyunan, so hindi na namin… para i-dwell ang problems o challenges, everybody goes through that, eh. Madali kaming kausap pagdating sa ganyan, trabaho agad,” paliwang muli ni Mamu.
Tinanong din kung ang dating karakter ba ni Julia ay napunta na kay Heaven Peralejo o totally binago na.
“Hindi po, actually the story is the same. In fairness to Heaven nakayanan naman niya ‘yun,” pag-amin nito.
Kaya naman abut-abot ang pasalamat ni Heaven sa ABS-CBN management dahil siya ang “final answer” sa role ni Julia at walang kaso sa kanya kung second choice man siya, sabi nga nakaganda ang timing.
Anyway, ipinagdiinan din ng TV executive na walang bida o suporta kina Heaven, Michelle Vito, Yves Flores, Kiko Estrada, Barbie Imperial at Tony Labrusca dahil lahat sila ay pantay-pantay ang role at may kanya-kanyang kuwento sa buhay.
Ang bagong barkadang magbibigay ng pag-asa at aral sa mga manonood sa bagong serye ng ABS-CBN na “Bagong Umaga” ay mapapanood na tuwing 2:30 p.m. simula Okt. 26 (Lunes) sa A2Z Channel 11, Kapamilya Channel sa cable at satellite, TV (SKYcable channel 8 sa SD at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat Direct TV channel 22, at karamihan ng cable operators na
miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa buong bansa).
Ang kuwento ay hinubog ng nakaraan ng kanyang pamilya, lalaking matapang atwalang inuurungan ang dalagang si Tisay (Heaven). Sa kabila ng pagsubok, gagawin niya ang lahat para magtagumpay sa buhay kasama ang kanyang magulang na sina Jose (Keempee de Leon) at Monica (Nikki Valdez), ang kinakapatid na si Dodong (Yves) at bestfriend na si Angge (Michelle).
Dahil sa pananaw ng dalaga sa buhay, mahuhulog sa kanya ang binatang si Ely (Tony) na gustong makapagtapos sa pag-aaral at maging doktor para ilayo ang inang si Irene (Bernadette Alisson) at kapatid na si Gab (Ali Abinal) sa mapang-aping amang si Matthew (Richard Quan).
Ngunit hindi magugustuhan ng bestfriend ni Ely na si Cai (Barbie) ang mamumuong pagtitinginan ng dalawa at gagawa siya ng paraan para ipaglayo sila kahit pa gamitin niya si Dodong.
Mas gugulo pa ang kanilang pagkakaibigan sa pagpasok ni Otep (Kiko) na pipilitin naman mapalapit kay Tisay para maghiganti dahil sa isang mapait na nakaraan.
Sa pagkakaibigan nila na puno ng pagkukunwari, inggitan, at galit, may tsansa kaya mauwi ang barkada sa tunay na pagkakaibigan? Anu-ano pa kaya ang mga lihim na magdidikit sa kanila?
Makakasama rin ng barkada ang mga premyadong aktor na sina Sunshine Cruz, Cris Villanueva, Glydel Mercado at Rio Locsin.