Maraming taong gusto na akong magpakamatay at ipa-deport

NAGPAKATOTOO ang hunk actor na si Tony Labrusca nang tanungin kung ano ang pinakamatinding isyung kinasangkutan niya pero nagawa pa rin niyang makabangon. Ayon sa Kapamilya star, nagpapasalamat siya sa ABS-CBN dahil sa kabila ng mga sablay at pagkukululang niya ay patuloy pa rin siyang pinagkakatiwalaan ng network.

Sa ginanap na virtual presscon para sa bagong teleserye ni Tony sa ABS-CBN, ang “Bagong Umaga”, binalikan ng binata ang nangyari sa kanya sa Immigration department ng Ninoy Aquino International Airport.

Ito yung araw kung saan naging headline ng mga balita ang binata nang magalit at sigawan niya ang isang Immigration officer sa NAIA dahil isang buwan lang ang ibinigay sa kanya para manatili sa bansa bilang American passport holder.

Aniya, maituturing niyang isang “bagong umaga” ang araw na muli siyang tinanggap at sinuportahan ng madlang pipol matapos ang nasabing insidente.

“Hindi na lang ako magbibigay ng showbiz na answer. Two years ago, ang laki ng naging isyu sa akin. So, ang feeling ko, ang daming tao na namba-bash sa akin, kahit hindi naman ako kilala.

“‘Tapos maraming tao na gusto na akong magpakamatay, or gusto na akong i-deport kahit hindi naman nila alam yung totoong kuwento.

“And feeling ko, marami rin tao sa ABS-CBN na wala nang tiwala sa akin,” simulang pagbabahagi ni Tony. Dahil dito, halos isumpa siya ng mga netizens na nakaapekto sa kanya nang
todo, “Ang dami kong naging bad habits dahil sa self-pity.

“‘Tapos naisip ko na parang dalawa lang naman yung choice ko. I can prove them right na hindi ko nga deserve lahat ng mga project ko, lahat ng blessings ko, or gagalingan ko na lang.

“So, ayun, happy ako na ngayon, sinu-support pa rin ako ng ABS-CBN. Binibigyan ako ng magandang projects.

“And sa lahat ng mga tao na hanggang ngayon, dyina-judge pa rin ako, wala na po akong kontrol doon. Basta ako, masaya ako and grateful ako na may bagong umaga,” pagbabalik-tanaw pa ni Tony.

Samantala, mapapanood na ang “Bagong Umaga” sa Oct. 26, mula Lunes hanggang Biyernes, 2:30 p.m. sa Kapamilya Channel sa cable at satellite TV (SKYcable channel 8 sa SD at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat Direct TV channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa buong bansa).

Available din ito sa A2Z channel 11, na mapapanood sa Metro Manila at ilang bahagi ng Cavite, Laguna, Quezon, Rizal, Bataan, Batangas, Bulacan, at Pampanga. Maaari rin itong mapanood sa iba’t ibang cable TV at satellite TV providers sa buong bansa.

Makakasama rin ni Tony sa cast sina Heaven Peralejo, Barbie Imperial, Kiko Estrada, Michelle Vito at Yves Flores, sa direksyon nina Carlo Po Artillaga at Paco Sta. Maria sa ilalim ng RGE Drama Unit ni Rizza Gonzales-Ebriega.

Read more...