Na-miss n’yo ba ang Reno Liver Spread?
Mabibili na muli sa mga tindahan at supermarket ang paboritong palaman na ito ng mga Pinoy, ito ang ipinahayag ng Food and Drug Administration ngayong Biyernes.
Sinabi ng FDA na nakakuha na ng certificate of product registration ang Reno Foods, Inc. para sa sikat nitong produktong liver spread.
“Itong Reno, nabigyan na po siya ng certificate of product registration baka two weeks ago… Meron na po,” wika ni Eric Domingo, pinuno ng FDA, sa panayam ng DZMM.
“Itong liver spread wala ng kulang na dokumento at pumasa sa ating panuntunan,” dagdag pa ni Domingo.
Ipinahinto ng FDA ang pagmamamupaktura at pagbebenta ng Reno Liver Spread noong Setyembre 16 matapos na matagpuang rehistrado lamang ang Reno Foods, Inc. bilang kumpanya ng pagkain pero hindi ang produkto nitong liver spread.
Ang mga produktong rehistrado sa FDA ay dumadan sa masusing pagsusuri para masigurong epektibo at ligtas ito para sa mga mamimili.
Isinumite ng Reno Foods, Inc. ang aplikasyon nito para sa pagpaparehistro bago magkatapusan ng Setyembre at ayon sa FDA ay humingi rin ito ng paumanhin sa pangyayari.
Maliban sa palaman, ang Reno Liver Spread ay nakagawian nang panghalo sa ilang popular na pagkaing Pilipino.