Bayanihan Law 2 tapos na sa October 16 dahil sa special session? | Bandera

Bayanihan Law 2 tapos na sa October 16 dahil sa special session?

Atty. Rudolf Philip B. Jurado - October 15, 2020 - 05:10 AM

Natapos na din ang mala tele-nobelang drama sa House of Representatives ng ihalal ng nakararaming miyembro nito si Marinduque Representative Lord Allan Velasco bilang Speaker of the House.

Sa dramang naganap, naipakita ang tunay na kapangyarihan ng Pangulo at ang malaking papel nito sa pagpili kung sino ang uupo bilang speaker ng House of Representatives. Nakita din kung papaanong ginamit ng Pangulo ang kanyang kapangyarihang tumawag ng special session, ayon sa Constitution, upang maiwasan magkaroon ng reenacted budget at makontra ang sinasabi ng iba na “political maneuvering” ng mga kaalyadong kongresista ng dating speaker. Ang political drama ay nagbigay din ng maraming legal issues o constitutional questions na wala at hindi nasagot o makikita sa anumang provisions ng constitution.

Maski itanggi ito ng Malacanang, gaya ng pagtanggi ng mga dating nanirahan dito, ang Pangulo ang nagsasabi kung sino ang uupo bilang speaker ng House of Representatives. Ang paghirang ng mga kongresista sa kanilang speaker ayon sa Constitution ay isang pormalidad na lang matapos ituro at sabihin ng Pangulo kung sino sa kanila ang gusto nitong maging speaker.

Pinatunayan ulit ito sa speakership issues na naganap sa pagitan nila Speaker Velasco at dating speaker Allan Peter Cayetano. Hindi maikakaila na nilipat ng mga kongresista ang suporta nila kay Speaker Velasco matapos nilang makita na ang mambabatas ng Marinduque ang gustong maging speaker ng Pangulo alinsunod sa 15-21 term sharing agreement.

Nakita din sa political dramang ito na ang Pangulo ay may sapat na kapangyarihan pinagkaloob ng Constitution upang tugunan ang ganitong political crisis o political situation.

Ang pagpapatawag ng Pangulo ng special session sa October 13-16, ayon sa Constitution, ay isang political move na tila hindi inaasahan o napag-aralan ng kampo ng mga kaalyado ng dating speaker. Ang pagpapatawag ng special session ay nagdulot ng solusyon sa usaping pagsasabatas ng General Appropriation Act (GAB 2021) at ang speakership issue na sinasabi ng marami ay isang political maneuvering para hindi matuloy ang 15-21 term sharing agreement na nakatakda sa October 14.

Dahil sa pagtawag ng special session, malaking tsansa na ang GAB 2021 ay maipapasa ng House of Representatives sa October 16 o mas maaga pa dito. Dahil din sa pagtawag ng special session, ang issue ng speakership ay napagusapan at tuluyang naresolba matapos mahalal si Velasco bilang bagong speaker.

Marami din legal issues at constitutional questions ang lumabas dahil sa dramang naganap sa House of Representatives, gaya ng pwede bang mag suspindi ng mahabang araw ang House of Representatives na walang pahintulot ang Senado? Maaari bang mag plenary session ang Senado kung ang House of Representatives ay nasa mahabang recess? Ito ang mga naging legal at constitutional issues nang bigla nagsuspindi ang House of Representatives ng recess mula October 6 hanggang November 16. Walang sagot ang constitution dito dahil ang binabanggit sa constitution ay tungkol sa adjournment at hindi sa mahabang recess katulad ng nangyari noon October 6.

Isa pang legal at constitutional issue ay ang pagganap ng plenary session at paghirang kay Velasco bilang speaker ng House noong Lunes habang naka recess ang House of Represetatives sa Quezon City Sports Complex. Maaari bang mag session ang 187 congressmen habang ang House of Representatives ay opisyal na naka recess? Pwede ba silang mag session sa Quezon City Sports Complex? Sa ating pananaw, hindi nalabag ang Constitution sa ginawang session sa Quezon City Sports Complex noong Lunes. Kung mayroon man nalabag, ito ay ang House Rules na hindi naman pwedeng pakielaman ng korte dahil sa umiiral na doctrine of separation of powers.

Bagamat ang pagtawag ng special session ay nagdulot ng solusyon sa dalawang (2) malaking political issues, ito naman ay maaaring magdulot ng isang political question na maaaring maapektuhan ang petsa ng epektibo ng Bayanihan Law 2.

Matatandaan na ang Bayanihan Law 2 ay isang emergency powers na ayon sa Constitution ay kusang titigil o mawawalan ng bisa sa susunod na adjournment.

Ayon sa Bayanihan Law 2, ito ay magiging epektibo lamang hanggang sa susunod na adjournment o sa December 19, 2020.

Ang pinatawag na special session ay nagsimula noong Martes (October 13). Sa araw na ito (October 13) ang Kongreso ay magbubukas at magtitipon sa isang special session at hindi bilang regular session. Pag dating ng October 16, ang Kongreso ay magsasara ng kanilang special session at kakailanganin nitong mag adjourn para opisyal na ideklara na tapos na ang pinatawag na special session para mag regular session ulit sa November 16.

Para sa may mga malilikot na pag-iisip, ang adjournment ng special session na magaganap sa October 16 ay maaring ang adjournment na tinutukoy sa ilalim ng Article 6, Section 23 (2) ng Constitution na magbibigay wakas sa emergency powers tulad ng Bayanihan Law 2.

Ang Constitution ay klaro, mawawalan ng bisa ang emergency powers “upon the next adjournment thereof”. Hindi sinabi ng Constitution kung ang adjournment ay tungkol lamang sa regular session. Dahil walang distinction kung anong klaseng adjournment and tinitukoy sa Constitution, ang lahat ng klase ng adjournment, gaya ng adjournment sa special session o regular session, ay kasama dito. Kaya ang adjournment ng special session na magaganap sa October 16 ay maaaring maging dahilan upang matapos ang epektibo o bisa ng Bayanihan Law 2.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Bagamat ilan sa mga legal at constitutional issues na nabanggit ay moot and academic, nararapat sigurong pag usapan ito para masagot at masulosyonan agad kung ito ay muling mangyayari.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending