“NAKAKABITIN!” Yan ang nagkakaisang komento ng ilang Kapuso viewers na tumututok sa ikatlong episode ng “I Can See You” sa GMA, ang “High-Rise Lovers”.
Nagsimula na ito last Monday at talaga namang pinag-iinit at pinag-iisip ang mga manonood sa bawat makapigil-hiningang eksena nina Lovi Poe, Tom Rodriguez at Winwyn Marquez.
Kaya naman masayang-masaya ang cast at ang buong production dahil sa mainit na pagtanggap ng mga viewers sa nakaiintrigang kuwento ng “High-Rise Lovers.”
Ayon nga kina Lovi, Tom at Winwyn, hindi nasayang ang hirap at sakripisyo nila sa muling pagsabak sa trabaho kahit may banta pa rin ng COVID-19.
“Just talking to Tom and to the whole crew and staff, nanibago ako. Pero the sense of fulfillment after ng buong taping talagang you just can’t beat that feeling everytime nakatapos ka ng proyekto,” pahayag ni Lovi.
Sabi naman ni Winwyn, very proud siya na sa pagbabalik niya sa work ay ang “High-Rise Lovers” ang una niyang natapos na project.
“Ang sarap sa pakiramdam na I’m in front of the camera again and working with these actors and alam kong may ipapalabas kami na sobrang worth it panoorin,” sabi ng beauty queen-actress.
Samantala, kahit na tungkol sa pagtataksil ang serye, wala raw maituturing na kontrabida sa tatlong karakter sabi ni Tom, “May kakaiba rin siyang atake and twist, gusto ko ‘yung sinabi ni Direk Monti (Parungao) na walang kontrabida.
“Everyone is a victim of circumstance na you could almost kind of see and feel or emphatize kung paano sila nadadala sa mga sitwasyon na ‘yon.
“And in the end, when you see the resolution, parang kahit ikaw parang you feel like you’ve been on that journey with them,” paliwanag pa ng aktor.
Kasama rin sa Kapuso mini serye sina Divine Tetay at Teresa Loyzaga. Napapanood ang “I Can See You: High-Rise Lovers” sa GMA Telebabad na tatagal hanggang Biyernes.
* * *
Speaking of Tom, nagbigay ng ilang tips ang aktor para hindi mawala ang “spark” sa isang relasyon.
Una raw, huwag tumigil sa pagkilala sa iyong dyowa, “Siguro huwag tayo magiging kampante o masyadong pamilyar sa mga katuwang natin sa buhay.
“Lagi nating tandaan kung bakit ba natin sila minahal. Mas lalo pa natin silang kilalanin at mas lalo pa natin silang pahalagahan,” ani Tom.
Aniya pa, “Kailangan talaga ang komunikasyon at ‘yung mga panibagong paraan para makilala pa lalo ang isa’t isa at mapanatili ang spark o apoy na ‘yon.”
O, ayan ha! Alam n’yo na ang sikreto nina Tom at Carla Abellana kung paano nila napapanatili ang “magic” o “spark” sa kanilang pagsasama.