INIYAKAN ng businessman na si Rambo Nuñez ang paghihiwalay nila ni Maja Salvador 10 taon na ang nakararaan.
Kahit daw kasi mahal nila ang isa’t isa noong mga panahong yun ay kailangan nilang maglayo dahil sa mga bagay na hindi nila kontrolado.
Napa-throwback sina Maja at Rambo sa naging relasyon nila noon sa interview ni Robi Domingo para sa Star Magic Lounge, kung saan naikuwento rin nila kung paano sila unang nagkakilala.
Tandang-tanda raw ni Maja na unang nagkrus ang landas nila ni Rambo matapos siyang manood ng concert ni Sarah Geronimo.
“Ang version ko kung paano nag-start ang love story namin, galing ako sa concert ni Sarah G and then after nu’n, kumakain kami sa isang restaurant tapos silang dalawa ni Marco magkasama noon.
“Doon kami unang nag-meet. Du’n nag-start ang lahat. Tinext niya ako,” kuwento ng actress-dancer.
Sinang-ayunan naman ito ni Rambo at sinabing nasundan ang pagkikita nila nang magkaroon ng group date ang common friends nila.
“Nu’ng may pinuntahan kami, ang nangyari it was like a normal night out. Hindi naman siya planado talaga. Nagkayayaan lang.
“Ang nangyari, ihahatid siya, ako na nag-offer kasi malayo. Nasa Makati kami tapos sa Marcos Highway. It’s a drive so ako na ang nag-offer,” pahayag pa ng boyfriend ni Maja.
Hanggang sa ma-develop na nga sila sa isa’t isa at naging magdyowa. Ngunit hindi rin nagtagal, nagdesisyon silang tapusin na ang kanilang relasyon.
Ani Rambo, umiyak siya nang mag-break sila noon dahil naniniwala siya na perfect sila para sa isa’t isa, “but it wasn’t just the right time.”
Hanggang sa nabigyan uli sila ng pagkakataon na magkita uli at magkaroon ng “second chance.”
Sa tanong kung may regrets ba sila na naghiwalay pa sila noon, “Wala naman kasi everything happens for a reason. ‘Yung sa kanya rin, ‘yung career niya din baka it didn’t pan out the way it did. Nandito naman kami ngayon so I guess it was for the right reason,” sagot ni Rambo.
Ang maganda raw sa relasyon nila ngayon ni Maja ay pareho na silang marunong magbalanse ng mga bagay-bagay sa kanilang buhay.
“Right now, mas naba-balance na namin. If before, it was always work, work, work, ngayon we can already afford in terms of responsibilities nga to even go off work for a week para maka-travel.
“Yun naman ang nagpapasaya sa relationship, you can do stuff together,” sabi pa ng boyfriend ni Maja.