Sylvia Sanchez panay ang bonding sa pamilya bago umarangkada sa taping

Mula sa Instagram account ni Sylvia Sanchez

Parati palang nasa bahay bakasyunan nila sa Batangas ang buong pamilya ni Sylvia Sanchez para mag-bonding at makalanghap na rin ng fresh air lalo’t maraming puno sa paligid nila.

Habang sinusulat namin ang balitang ito ay kausap namin si Sylvia sa kabilang linya at masaya niyang ikinukuwento na sulit ang lagi nilang pagpunta sa Batangas linggu-linggo dahil magkakasama silang pamilya.

At base rin sa mga post niyang larawan ay natutuwa siyang panoorin ang mga anak niyang sina Arjo at Xavi na naliligo sa kanilang pool habang sina Ria at Gela naman ay may ibang ginagawa.

Habang kausap namin ay naririnig naming nasa palengke ang aktres dahil nagpapabili siya ng puto bumbong.

Anyway, may bago siyang teleserye na may titulong “Huwag Kang Mangamba.” Powerful ang casting nito dahil kasama niya sina Eula Valdez, Mylene Dizon, Enchong Dee, Ang Gold Squad na kinabibilangan nina Andrea Brillantes, Seth Fedelin, Kyle Echarri at Francine Diaz, at nagbabalik na si Diether Ocampo.

Nakita namin ang post ng Dreamscape Entertainment business unit head na si Deo Endrinal kaya tinanong namin si Sylvia kung kailan ang taping nila. Wala pa raw siyang alam at wala rin siyang ibinigay na detalye kung ano ang role niya.

Kaya siguro sinusulit na rin ng aktres ang panahon niya sa pamilya kapag weekend dahil ilang linggo rin niyang tiyak na hindi makikita sila kapag nagsimula na siyang magtrabaho. Siguradong lock-in ito bilang pagsunod na rin sa health protocols ng Kapamilya network.

Samantala, mananatiling Kapamilya forever si Ibyang at very vocal siya kaya siguro wala nang nag-attempt na alukin siya ng ibang network.

* * *

Umabot na sa 30 milyong subscribers ang ABS-CBN Entertainment YouTube channel dahil sa patuloy na panonood ng mga Pilipino sa buong mundo ng mga programa ng Kapamilya network.

Ito rin ang pinakapinapanood na YouTube channel sa Pilipinas sa nakuha nitong 38.8 billion lifetime views.

“Nagpapasalamat kami sa bawat Kapamilyang tumulong sa aming maabot ang milestone na ito, at sa lahat ng viewers na patuloy at paulit-ulit na nanonood ng aming shows, stars, at original offerings sa channel.

“Patuloy po kaming magpoprodus ng videos na magbibigay sa kanila ng saya, inspirasyon, at ginhawa,” pahayag ni Richard Reynante, ang digital content publishing head ng ABS-CBN.

Kamakailan lang, naging available na ang naturang YouTube channel sa buong mundo at napapanood na ngayon sa 27 bansa sa Asya, 13 bansa sa South America, siyam na bansa sa Africa, walo sa Central at North America, 12 lugar sa Oceania, pati na sa Spain, France, Greece Cyprus, Jordan, at Lebanon.

Napapanood sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel ang Kapamilya Online Live, na nagpapalabas ng bagong episodes ng Kapamilya teleseryes at entertainment shows, public service programs, mga lumang palabas ng ABS-CBN, at weekly talk shows.

Read more...