Donny type maging leading man ni Christi Fider: Ganu’n ang hinahanap ko sa lalaki

ANG pagiging family oriented at ang pouting lips ni Donny Pangilinan ang dahilan kung bakit gustung-gusto siya ng baguhang singer na si Christi Fider.

Siya ang anak ng independent producer na si Edith Fider ng Saranggola Media Productions at nag-produce ng “Tatlong Bibe” (2017), “Christmas Bonus” (2015), “Wander Bra” (2018), “And Ai Thank You” (2019) at ang “Damaso Suarez: The Healing Priest” na hindi pa naipalalabas.

Si Christi ang bunsong anak ni Ms. Edith at nagtapos ng kursong AB History noong 2019 sa University of Sto. Tomas at planong ituloy ito sa pag-aabogasya.

Aniya, “I wasn’t really able to pursue Law kasi I focused on helping my brother with his jewelry business which I also enjoyed. Right now I’m putting a lot of effort in my career by doing YouTube contents, hopefully makakuha din ng different acting gigs and I’m going to start a new brand, a brand that will become our family’s legacy.”

Pero hindi na bago sa showbiz si Christi dahil kasama siya sa Adober Studios na dating Chicken Pork Adobo, ang YouTube multi-channel network na pag-aari ng ABS-CBN na sarado na dahil hindi nabigyan ng bagong prangkisa ang nasabing network.

Ayon kay Christi, bata palang siya ay umaarte na siya sa harap ng salamin kaya alam niya na gusto niyang maging artista, nagkataon nga na film producer ang ina pero ang mahigpit na bilin sa kanya ay tapusin muna ang pag-aaral bago pasukin ang showbiz na sinunod naman niya.

Anyway, kung bibigyan ng chance na mabigyan ng show si Christi ay gusto niyang leading man si Donny dahil nakikita niya sa panganay nina Anthony at Maricel Pangilinan na mabait at malapit sa pamilya. Ito ang hinahanap niya sa isang lalaki.

Sa pag-arte ay gustung-gusto niyang umarte si Paulo Avelino kaya naman halos lahat ng shows ng aktor ay sinusubaybayan niya.

No boyfriend since birth si Christi dahil pangako niya sa sarili, “My first and last.” Ayaw daw niya ng paiba-iba ng boyfriend, “Takot akong masaktan, ayaw kong umiyak.”

Anyway, bukod sa pag-aartista ay first love niya ang singing at talagang kumuha pa siya ng voice lesson kina Moy Ortiz at Annie Quintos ng The Company. Pati sa pagtugtog ng ukulele at gitara ay self-study din ni Christi.

Samantala, ang award winning composer na si Joven Tan ay sumulat ng kantang bagay sa lockdown na pinakanta niya kay Christi na nag-viral kamakailan dahil sa magandang tiyempo at lyrics nito, ang “Teka, Teka (Kaway-Kaway, Kindat-Kindat).”

Ito pala ‘yung napakinggan namin kamakailan na akala namin ay bagong kanta ni Moira dela Torre.

“Hindi ko po nakikitang kaboses ko si ate Moira, pero nu’ng marami pong nagsasabi, naniniwala na ako,” tila nahiyang sagot ni Christi nang sabihan namin siyang kaboses niya ang premyadong singer-composer.

Binansagang Bubble Gum Pop Princess si Christi dahil sa tiyempo ng awitin niya pati na rin ang genre ng video niya na kinunan sa Tagaytay pagkatapos ng lockdown na idinirek ni Joven Tan.

“Everything is very new to me. After the release of the song medyo busy schedule na because of the promotions and all. I’m just so happy kasi a lot of people are supporting me right now like my family and friends.

“There is also this group of teens (ChristiNation) na very supportive with promoting me and all. I’m happy na I get to talk to them and minsan nagbo-bond kami over video call.

“Nakakakilig kasi I’m like an ate na to these teens and now it’s a responsibility din for me to be a good role model to them,” aniya pa.

Read more...