HINDI umano imposible na mabangkarote ang pambansang kamao at Sarangani Rep. Manny Pacquiao dahil mas malaki ang ginagastos nito kesa sa kanyang kinikita.
Sinabi ni Buhay Rep. Lito Atienza na hindi na siya nagulat nang malaman na nagbenta na ng kanyang mga ari-arian si Pacquiao.
“I’m sorry to hear that pero matagal ko nang sinasabi iyan sa kanya. Napakalaki kasi ang kanyang overhead kesa income niya,” ani Atienza na kilalang supporter ni Pacquiao.
Ayon kay Atienza, maraming pinasok na negosyo si Pacquiao subalit hindi kumikita ang marami sa mga ito. Mayroong mga balita na ibinebenta na ni Pacquiao ang kanyang bahay sa Los Angeles at ang kanyang mansyon sa Forbes Park na kabibili lamang niya.
Mas konti na rin umano ang mga laban ni Pacquiao sa nakaraang dalawang taon. Ang boksing pa rin ang naging pangunahing pinagkakakitaan ni Pacquiao.
Samantala, isang malapit na kaibigan ni Pacquiao ang nagsabi na bukod sa personal na gastos, malaki rin umano ang ginugugol na salapi ng boksingero sa mga taong nakapaligid sa kanya.
Dagdag pa umano ang mga humihingi ng tulong kay Pacquiao na hindi niya mahindian.
( Photo credit to INS )