INIHAYAG kahapon ni Pangulong Aquino ang pagbubuwag sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala sa tawag na pork barrel sa harap ng protesta laban dito sa Lunes.
“Kailangan ng mas malaking pagbabago upang labanan ang mga talagang pursigidong abusuhin ang sistema. Panahon na po upang i-abolish ang PDAF,” ani Aquino.
Itinanggi ng pangulo na kinakabahan siya sa malaking rally na isasagawa sa Lunes kung kailan gugunitain ang National Heroes Day.
“Bakit tayo kakabahan? Dumami ‘yung kakampi natin sa pagsasaayos sa sistema. Maraming salamat sa kanila,” ani Aquino.
Nauna nang sinabi ng pangulo na kontra siya sa pagbasura ng pork barrel dahil ang mga kongresista ang siyang totoong nakakaalam ng pangangailangan ng kanilang mga distrito.
Kinontra rin ni Aquino ang mga komento na mas malaki ang pork barrel sa kanyang administrasyon kumpara sa panahon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Kumpiyansa naman siya na susuportahan siya ng mga kongresista. Kahapon ay iniulat na 15 senador na ang pabor sa pagbasura ng “pork”.
KAHIT nagdeklara pa si Pangulong Aquino na ibabasura na ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel, itutuloy pa rin ang tinaguriang “Million People March” sa Lunes gaya nang itinakda.
Ayon sa mga grupong nasa likod ng kilos-protesta, ang anunsyo ni Aquino ay isang klase ng “damage control” upang mapayapa ang mga raliyista.
Naniniwala si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na napilitan lang si Aquino na tapusin na ang sistema ng pork barrel dahil natataranta ito sa galit ng publiko.
“The people must continue their vigilance and be watchful as PDAF may [be] metamorphosed into another form,” ani Zarate.
Hindi naman kumbinsido si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na tuluyang ibabasura ng pangulo ang PDAF dahil, base umano sa kanyang speech, papalitan lamang ito ng pangalan.
“The President merely changed its name to ‘itemized pork barrel system’ in order to retain the distribution of pork to his allies in the government as well as his presidential pork barrel, which reportedly totalled P1 trillion,” dagdag niya.
Idinagdag naman ng Anakbayan partylist na ang administrasyon ni Aquino ang may pinakamalaking pork barrel sa kasaysayan.