HANGGANG ngayon ay buhay na buhay pa rin sa puso at isip ni Manilyn Reynes ang mga alaala ni German “Kuya Germs” Moreno.
Napakalaki ng tinatanaw na utang na loob ng Kapuso singer-actress sa yumaong TV host-comedian at hindi raw niya makakalimutan ito habang siya ay nabubuhay.
Ayon kay Mane, may dalawang payo ang TV legend at comedy icon sa kanya pati na sa asawa niyang si Aljon Jimenez ang talagang isinasabuhay niya until now.
Nag-post sa kanyang Instagram page ang Kapuso star ng isang video message bilang pag-alala sa 87th birthday ni Kuya Germs na naging tatay-tatayan niya mula pa noong magsimula siya sa “That’s Entertainment.”
Mensahe ni Manilyn, “Tito Germs happy birthday po galing po sa amin ni Aljon. Malaki po ang pasasalamat namin sa inyo sa ginawa niyo hindi lang po para sa amin dalawa ni Aljon kundi para sa lahat ng anak-anakan niyo sa That’s Entertainment.
“Hindi po namin nakakalimutan ‘yung payo na talagang tumatak sa puso at isipan namin lahat. Ang mahalin ang aming trabaho at kami ay mamahalin nito.
“Ginagawa pa rin po namin yan Tito Germs at isa pang payo, mahalin ang aming tagahanga,” sabi pa ng leading lady ni Michael V sa sitcom na Pepito Manaloto.
Kamakailan, ilan sa mga naging members ng “That’s Entertainment” ang nag-reunion sa pamamagitan ng video conference bilang bahagi na rin ng birthday celebration ni Kuya Germs.
Kung matatandaan, pumanaw ang TV at movie icon noong 2016 sa edad na 82, due to cardiac arrest.
* * *
May pandemic man, hindi ito naging hadlang para makatanggap ng sunud-sunod na blessings sa career at personal na buhay ang Kapuso Global Endorser na si Gabbi Garcia.
#Blessed talaga ang aktres dahil bukod sa endorsements na nakukuha ay lalong tumatatag ang kanyang relationship with Khalil Ramos. Kitang-kita rin na blooming ang “All-Out Sundays” star sa kanyang mga photos at YouTube vlogs.
Kamakailan lang din ay ipinamalas niya ang husay sa pagiging isang licensed scuba diver sa naging date nila ni Khalil sa Batangas.
Dito, tinuruan niya ang nobyo sa basics ng pagda-dive kasama ang ilan pang mga kaibigan.
Lahat ng fand and supporters nina Gabbi at Khalil ay umaasa at nagdarasal na sana’y pang-forever na rin ang kanilang pagmamahalan.
Samantala, patuloy na napapanood si Gabbi sa weekend variety show na “All-Out Sundays” at sa rerun ng “Encantadia” gabi-gabi pagkatapos ng “24 Oras” sa GMA Telebabad.