“BAKIT? Ano po ‘yung kabastos-bastos doon?”
Yan ang hugot ng dating child star na si Xyriel Manabat sa lahat ng netizens na nagkomento nang nega at mahahalay sa kanyang mga litrato sa Instagram.
Naniniwala ang dalagita na walang masama sa mga photos na ipino-post niya sa social media, at wala raw karapatan ang sinuman na mambastos at mangharas sa socmed lalo pa sa menor de edad.
“Nu’ng una po siyempre ‘yung mga articles about nga sa dalaga na si Momay, dalaga na si Madame Anna, nakakatuwa po kasi naaalala pa rin po nila ‘yung mga roles na ginampanan ko po dati.
“Pero ‘yun nga pong sa kung bakit talaga ako nag-viral, which is hindi po siya nakakatuwa or nakaka-proud na reason, it’s about sexual harassment and hindi po nakaka-flatter ‘yun,” pahayag ni Xyriel sa digital show ni Toni Gonzaga na “I Feel U.”
Ang matindi pa rito, kung anu-ano pa raw ang ginawang pag-e-edit sa mga litrato niya, “Hindi lang po comments or captions ang ginagawa sa pictures ko. May mga nag-e-edit, may mga nagse-send sa groups. Bakit? Ano po ‘yung kabastos-bastos doon?
“Ngayon lang po ba sila nakakita ng ganu’ng klase ng structure ng katawan? May nanay din po sila. Paano po nila nasisikmura na ganunin ang menor de edad at babae. Kung mag-act sila parang wala silang mga nanay,” ang may hinanakit pang pahayag ng dalagita.
Ayon pa sa 16-year-old na dalagita, iniyakan talaga niya ang pambabastos at pambu-bully sa kanya, “Pero after ko naman ilabas ang nararamdaman ko, na-enlighten naman po ako.
“I know po na I have every right to make an act, a legal act kaya hindi na rin po ako na-down. I feel so empowered po because many people are supporting and protecting me from them,” paliwanag pa ni Madam Anna Manalastas sa teleseryeng “100 Days To Heaven” with Coney Reyes and Jodi Sta. Maria.
Nang hingan ng message para sa mga bastos na netizens, nag-ala-Madam Anna sa pagsagot si Xyriel, “Sa bawat mga masasamang salita na lumalabas sa bibig niyo, sa mga pananakit niyo sa ibang tao, nakakatulong ka ba sa lipunan?
“Sa panlalait mo, sa pambababa mo ng kapwa, nagiging masaya ka ba? Hindi ba’t binababa mo lang lalo ang sarili mo? Alam mo kung ako sa ‘yo, magbago ka na. Kuha mo?”
Sa huli, pinayuhan pa niya ang mga kabataang tulad niya, “Hangga’t alam mong nasa tama ka, kapag alam mong wala kang ginagawang mali, wala kang tinatapakang iba, huwag kang matakot. Hindi ka nag-iisa. Tandaan mo, hindi ka dapat sinisisi dahil isa kang biktima. Huwag ka mag-alala, nandito ako, nandito kami.”