Juday may 2 rason kung bakit nag-aral ng culinary; pinaghandaan ang tanong ni Yohan

ISA sa mga rason kung bakit gustung-gustong mag-aral noon ni Judy Ann Santos ay dahil sa kanyang mga insecurity.

Inamin ni Juday na bukod sa gusto niyang maging good example sa kanyang panganay na anak na si Yohan, nais rin niyang labanan ang kanyang insecurities sa buhay.

“At that point kasi, nagkakaroon ako ng insecurity doon sa part na nag-uusap iyong mga katrabaho kong artista ng English, hindi ako maka-jump in.

Sige babaklain ko na lang kayo,” natatawang sabi ng Teleserye Queen sa pakikipagchikahan niya kay Sharon Cuneta.

Si Juday ang guest ng Megastar sa latest vlog niya kung saan napag-usapan nga nila ang tungkol sa mga challenges na hinaharap nila bilang ina at asawa.

Sabi naman sa kanya ni Sharon, hindi ang pagiging matalino o pagiging fluent sa English ang basehan ng pagkatao ng isang indibidwal. Ang pagiging mabuti pa rin ng puso ang pinakamahalaga sa lahat.

Samantala, sinabi nga ni Juday na para kay Yohan talaga ang pag-aaral niya ng culinary noong 2006 sa Center for Asian Culinary Studies sa San Juan.

Kuwento ng Kapamilya TV host-actress kay Mega, “Ang habol ko talaga sa pag-aaral ng culinary is I want to be a good example to Yohan.

“Si Yohan pa lang ang anak namin noon. I want her to be inspired to finish her studies kasi baka sabihin niya, ‘Bakit ako magka-college, ikaw nga hindi?’ Ano isasagot ko? Oo nga naman. May point,” pahayag ng misis ni Ryan Agoncillo.

“Pero ang una ko talagang gustong pag-aralan ay makeup, prosthetics. Gusto ko siya pag-aralan. Ewan ko parang may interes lang ako doon sa thought na ang sarap panoorin nung mga makeup artists who could do prosthetics. Para sa akin ibang skills iyon,” sey pa ni Juday.

Si Ryan daw ang nag-motivate sa kanya para karirin na ang pagpasok sa culinary school, “Nasa crossroads ako noon eh. Pero alam kong in my heart, I want to learn something. I want to go back (sa pag-aaral), I want to study something. Pero si Ry alam na niya na mahilig ako magluto.”

At alam n’yo ba, na-inspire naman si Ryan ng talent ng asawa sa pagluluto kaya nag-aral din siya ng culinary.

Kaya naman last year, nagtayo na sila ng sariling food business, ang Angrydobo na may dalawang branch na ngayon.

Read more...