SERYOSO na nga ang Kapamilya actor na si Joshua Garcia sa desisyon niyang ipagpatuloy at tapusin ang pag-aaral.
Matagal nang plano ng binata na bumalik sa eskwela ngunit wala siyang pagkakataon na gawin ito dahil nagsunud-sunod ang trabaho niya sa showbiz.
Ngunit ngayong panahon ng pandemya, desidido na si Joshua na muling mag-aral at makakuha ng college diploma.
Sa kanyang Instagram account, ipinost ng young actor ang kanyang school ID patunay na wala nang atrasan ang muli niyang pagsabak sa pag-aaral.
“It’s never too late to do something new. Use this pandemic time to create or learn new things,” ang caption ni Joshua sa kanyang Instagram Story.
Base sa kanyang IG post, ipagpapatuloy ng binata ang entrepreneurship course sa Southville International School Affiliated with Foreign University.
“You just need courage and perseverance. And remember, ‘Procrastination is the enemy of Success,’” mensahe pa niya.
Nakalagay din sa post ng binata ang mga salitang, “Not paid promotion”. Ibig sabihin hindi press release ang pagbabalik niya sa eskwela.
Sa isang vlog ni Erich Gonzales umapir si Joshua at inamin niya rito na kung may gusto siyang itama sa kanyang buhay, yan ay walang iba kundi ang pagsasayang niya ng oras sa computer games.
“Ang pagko-computer ko, ang dami kong nasayang na oras sa pagko-computer ko. Inaabot ako ng two days naglalaro lang as in araw-araw, very unproductive!
“Yung mga time na ‘yun sana nagbasa ako ng libro o nagpunta ako sa gym. Hindi ko na-balance ‘yung oras ko.
“Ang biggest learning ko ngayong 2020, dapat may bago ka laging natututunan para hindi ka maliitin ng iba kaya dapat nag-aaral ka,” aniya.