Idiniin ni Senator Grace Poe na hindi na maaari pang ipagpaliban ang pagtatayo ng panibaong paliparan dahil ang Ninoy Aquino International Airport ay limang taon nang lagpas sa maksimum na kapasidad nito.
Sinabi ito ni Poe sa deliberasyon sa Senado nitong Miyerkules nang talakayin ang panukalang batas na magbibigay sa San Miguel Aerocity Inc. ng prangkisa para itayo at patakbuhin ang New Manila International Airport sa Bulacan.
Sa pag-endorso sa franchise bill, sinabi ni Poe, ang chairperson ng Senate public services committee, na ang pagtatayo ng bagong paliparan ay hindi lamang isyu ng paghahanda para sa kinabukasan kundi isa ring obligasyon na matagal nang dapat ginawa.
Sinabi ni Poe na ang NAIA ay limang taon nang lagpas sa maximum passenger handling capacity na 35 milyong tao kada taon. Noong 2019, sinabi niya na umabot sa 47.8 milyong pasahero ang dumaan sa NAIA.
Tinatayang aabot sa 71.6 milyong pasaherong dadaan sa NAIA sa 2030 at 101.5 milyon sa 2040, wika ni Poe.
“Gaya ng mga lansangan natin kung saan gumagapang na ang mga pampublikong transportasyon dahil laging barado, ang pangunahing paliparan ng Maynila ay puno at overloaded na nga. Dahil napapaligiran ang NAIA ng mga bahay, pabrika at opisina, wala na itong lugar para mapalawak,” sabi ni Poe.
Dinepensahan din ni Poe ang mga insentibo sa buwis ng P735-bilyong airport project, isang isyu na di pinapaboran ng ilang mambabatas.
Sa franchise bill, sinabi ni Poe na ang San Miguel Aerocity Inc. ay hindi magbabayad ng mga direct at indirect taxes at iba pang mga bayarin sa loob ng 10 taon na itinatayo ang proyekto sa baybaying bayan ng Bulakan.
Pero sinabi niya na ang proyekto ay magiging daan para mabigyan ng trabaho ang maraming Pilipino, kabilang na ang mga nagbabalik-bayang overseas Filipino workers para sa konstruksiyon ng paliparan.
“Ang kakayahan ng mga paliparan na lumikha ng trabaho at magpayabong ng turismo ay mahalaga lalo na ngayong tayo’y lubhang apektado ng pandemya,” saad ni Poe.
Sinabi pa ng senadora na sa sandaling maaprubahan ang prangkisa ay agad nang sisimulan ang konstruksyon ng paliparan na inaasahang matatapos sa loob ng 12 taon.
Makalipas naman ang 50 taon o sa pagtatapos ng bisa ng prangkisa, ililipat ang pagmamay-ari ng airport sa pamahalaan na walang anumang babayaran sa developer.
Nakasaad din sa panukala na bukod sa buwis na ipapataw pagkatapos mabawi ng airport ang puhuhan, mayroon ding bahagi ang pamahalaan sa kikitain ng paliparan na sosobra sa profit margin nitong 12 porsiyento.
Itinigil muna ang interpelasyon kay Poe upang ipagpatuloy sa Lunes, Oktubre 5, kung kailan nakatakdang harapin naman ng senadora ang mga pag-usisa ng dalawang miyembro ng oposisyon na sina Senator Risa Honteveros at Senator Francis ‘Kiko’ Pangilinan.
Hindi pabor ang ilang civil society groups sa umano’y sobra-sobrang insentibo na ibinibigay ng pamahalaan sa San Miguel Aerocity Inc., isang subsidaryo ng San Miguel Corp.
“Walang gastos ang gobyerno? Eh, ano ang tawag sa libreng buwis na umaabot ng bilyon-bilyong-piso?” wika ng
Filipino League of Advocates for Good Governance (FLAGG).
“Malinaw sa panuntunan ng gobyerno na hindi dapat ikompromiso ang public funds, kinita na o kikitain pa lamang sa pagseguro o pagsuporta sa mga bayarin para sa tax at regulatory compliance ng pribadong negosyo,” pahayag ng FLAGG.
Nauna rito ay nanawagan ang Action for Economic Reforms sa mga senador na ibasura ang sobra-sobrang tax exemptions na ibinibigay sa San Migue Aerocity sapagkat labag umano ito sa patakarang pananalapi ng gobyerno at taliwas sa interes ng naghihirap na mamamayan lalupa ngayong panahon ng pandemya.