Maging malaya sana ang Speaker of the House

Klaro sa Article 6, Section 16 (1) ng Constitution na ang House of Representatives (Kamara) ang maghihirang ng kanilang Speaker sa pamamagitan ng majority votes ng lahat ng miyembro nito. Pero sa realidad at kung titignan ang kasaysayan ng Kamara, ang Pangulo (directly or indirectly) ang nagbabasbas at nagsasabi kung sino ang magiging Speaker.

 

Marami ang naniniwala na ang ganitong noon pang nakaugaliang (tradition) pagpili ng Pangulo kung sino ang uupong speaker, bagamat wala sa constitution at batas, ay kailangan para agarang maisulong at maisabatas ang mga legislative agenda o priority bills ng kanyang administrasyon. Ang kaalyadong speaker ang magbibigay sa Pangulo ng mga kailangang batas para maisulong at maisakatuparan ang mga programang pinangako noong eleksyon.

 

Tandaan na ang Speaker ay hindi lang nagsisilbing presiding officer at administrative head ng House of Representatives. May kapangyarihan din itong magsabi kung anong panukalang batas (bill) ang uunahing dinggin sa committee at plenaryo. Kasama na din dito ang kapangyarihan kung ano ang panukalang batas ang ipapasa ng House of Representatives, anong anomalya o iskandalo sa gobyerno ang didinggin sa pamamagitan ng legislative investigation o inquiry at ang pinakamahalaga sa pangulo-ang usaping impeachment complaint-na kung saan malaki din ang papel at impluwensiya ng speaker

 

Ang ganitong nakasanayang pagpili ng Pangulo kung sino ang magiging speaker ng House of Representatives ay maaaring epektibo sa pamamalakad at pagsulong ng mga programa ng kanyang administrasyon ngunit ito ay hindi mainam sa ating demokrasya at pamahalaan.

 

Ang House of Representatives, na isang parte ng Kongreso, ay   dapat malaya (independent) sa executive branch lalo na sa kapangyarihan at impluwensiya ng Pangulo. Ang kapangyarihan ng House of Representatives ay sangkop para epektibong umiral at maipatupad ang check and balance sa isang demokratikong bansa tulad natin.

 

Ang pagsuko sa Pangulo ng House of Representatives ng kanilang karapatan mamili ng kanilang speaker ay hindi lang salungat sa check and balance, ito din ay labag sa separation of powers na umiiral sa ating Constitution.

Maaaring totoo na ang House of Representatives pa din ang boboto sa plenaryo kung sino ang tuluyang magiging speaker, pero ito ay isang pormalidad na lang. Isang bagay na napagkasunduan na ng mga kongresista matapos sabihin ng Pangulo kung sino ang magiging speaker. Balewala na yung boses ng nakakarami. Wala na din silbi kung ano ang gusto ng nakararami kung sino ang gusto nilang maging pinuno dahil sinabi na ng Pangulo kung sino sa kanila ang dapat maging speaker.

 

Ganito mismo ang nangyari sa pagpili kay Speaker Allan Peter Cayetano noong nakaraang taon. Maski higit sa kalahati ng kongresista ay gustong maging speaker si Congressman Lord Allan Velasco, si Allan Peter Cayetano ang naging speaker dahil ito ang naging kagustuhan ng Pangulo matapos magkasundo sa 15-21 term sharing ang dalawa.

 

Nang matapos naman ang pinagkasunduang term sharing ng dalawa, higit sa kalahati ng kongresista ang gustong manatili si Speaker Allan Cayetano. Ngunit dahil sa kanilang term sharing agreement at sa kagustuhan ng Pangulo na maipatupad ang napagkasunduan, ang mga boses ng mga kongresista, kasama na ang karapatan nilang pumili ayon sa Constitution ng speaker ay nabalewala.

 

Ang napagkasunduang term-sharing agreement nila Speaker Cayetano at incoming Speaker Velasco na kung saan ang Pangulo ay naging saksi pa ay isang direktang pagbalewala sa check and balance at separation of powers. Ito ay direktang labag din sa Constitution.

 

Pero tila ang ganitong kaugalian at patakaran na noon pang ginagawa at nangyayari ay tanggap na ng mga kongresista at politiko kasama na ang mamamayan bagamat ito ay salungat sa doktrina at prinsipyo ng check and balance at separation of powers pati na sa Constitution.

 

Aasa na lang ang mamamayan na ang incoming speaker ay magiging malaya sa impluwensiya ng Pangulo.

 

Nagawa ito ni Sergio Osmena Sr. ng siya ay naging Speaker ng National Assembly noong 1907 sa edad na 28 anyos. Si Osmena, kasama ang kanyang classmate na si Manuel L. Quezon na hinirang bilang majority floor leader, ay hindi naging sunod sunuran sa mga American governor-generals at nanindigan sa mga karapatan ng kanilang kababayang Filipino.

Ganoon din sila Speakers Jose “Pepito” Laurel at Manuel Villar. Matapang na nilabanan at sinuway ni Speaker Laurel Jr. ang mga kagustuhan ng dating Pangulong Marcos. Tumulong naman sa pagsulong ng impeachment complaint si Speaker Villar laban kay dating Pangulong Estrada.

 

Sila Speakers Osmena Sr, Laurel Jr at Villar ay naging malaya sa impluwensya ng Pangulo na tumulong magluklok sa kanila bilang speaker.

Read more...