NATIKMAN na kaya ni Julia Barretto ang adobo ng ex-boyfriend niyang si Joshua Garcia noong magkarelasyon pa sila?
Ito kasi ang isa sa specialty na itinuro kay Josh ng tatay niyang magaling magluto na minana rin niya sa kanyang nanay (lola ng aktor).
Sa latest vlog ni Erich Gonzales na kaka-upload lang niya 17 hours ago pero almost 138,000 na agad ang views, ay mapapanood nga ang pagdalaw niya kay Josh.
Sa simula ay ipinakita ang lahat ng ingredients sa lulutuing chicken adobo ni Josh at may nalaman din kaming sikreto ng aktor kaya ipinagmamalaki niyang masarap ito.
At habang niluluto ang adobo ay tinanong ni Erich ang binata kung kumusta ang puso niya ngayon na ikinatawa nito dahil unang tanong kaagad ay lovelife agad, sabay sabi ng aktres na, “Walang buckle-buckle at edit-edit to bro.”
Sagot ng binata, “Wala, hindi ko muna pino-focus ngayon. Mas focus ako sa sarili ko. Actually, I started studying, nag-enrol ako recently lang. Plano kong kunin business entrepreneurship sayang ‘yung time na wala kang ginagawa, eh.
“E di ba ang new normal ng artista lock in ng one month so habang walang ginagawa (mag-aral), pero nagpe-prepare pa rin naman ako para ro’n sa gagawin kong pelikula, e, kailangan medyo lean ang katawan ko,” sagot ni Joshua.
Hindi pa niya binanggit kung sinu-sino ang mga makakasama niya sa pelikula dahil nababago pa ang cast, basta’t abangan na lang daw.
Hirit naman ni Erich, “I’m sure aabangan ka nila, hello Joshua Garcia napakagaling na artista, mahusay na aktor. Ayan, panay ang build up ko ha.” Tawa naman nang tawa ang aktor.
Napag-usapan din nila ang destiny at parehong naniniwala sina Josh at Erich na may tamang taong nakalaan para sa kanila.
Ano nga ba ang hinahanap ni Joshua sa babae? “Gusto ko matatanggap ako nang buong-buo, simple lang ako sa buhay, puwede akong tumira sa probinsya, puwede akong tumira sa Maynila.
“Actually, nag-iiba ang trip kong babae habang tumatagal dahil ikaw mismo ay nagma-mature ka pero mas gusto ko ‘yung mas mature sa akin at mahilig magbasa ng libro para natuturuan ka rin. Para naman akong baby no’n?
“Ang ikalawa, marunong sa gawaing bahay, marunong magluto, may takot sa Diyos, family oriented.”
Magdiriwang na ng kanyang kaarawan si Joshua sa Okt. 7 at walang planong mag-party ang aktor dahil nakalakihan na niyang hindi nagpa-party at minsan lang itong nangyari na handog ng fans niya na ginanap sa isang food chain na ine-endorse niya.
Ang wish ng binata, “Una sana maging okay na lahat para makabalik na sa trabaho tayong lahat.
“Pangalawa, sana maging healthy ang family ko hanggang sa matapos lahat ng ito at ma-achieve ko ‘yung goals ko, like makatapos ng pag-aaral, magkapagtayo ng sariling business. Sa showbiz naman, sana lahat ng mga ginagawa ko sana mag leave ng mark,” aniya pa.
Sabay hirit ng binata na ang unang napanood niyang teleserye ni Erich ay, “Katorse, bata pa ako, siguro mga grade 4 o 5 ako. Gusto kita do’n, galing!”
“Napakatagal na no’n Joshy, matanda na talaga ako,” nakangiting sabi ng aktres. “Maganda kuwento ni Nene (karakter niya sa serye).”
At dahil mahilig mag-travel si Joshua ay sinabi niyang gusto niyang bumalik sa Barcelona, Spain na hindi related sa work kundi pasyal lang.
Unang tapak ng aktor sa nasabing bansa ay nang gawin nila ang pelikulang “Barcelona: A Love Untold” noong 2016 na pinagbidahan nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo sa direksyon ni Olive “Inang” Lamasan mula sa Star Cinema.
“Gusto kong pumuntang mag-isa lang, before nag-travel akong mag-isa pero Bali (Indonesia) lang,” sambit ng binata.
Finally, kumulo na ang adobong niluluto nila pagkalipas ng 12 minutes at sinabi ni Erich, “Napansin n’yo guys, hindi siya naglagay ng tubig. May na-miss ka bang lutuan?”
Napangiti muna ang binata, “Wala naman.”
Finally, luto na ang adobo at tinikman ni Erich, “In fairness isang tikim lang, ako tikim nang tikim sa luto ko. Puwedeng dagdagan mo ng paminta? Gusto ko kasi maanghang, mahilig ako sa paminta.”