‘Anne Curtis’ nakasabit sa bahay ni Bea; alaala ni Zanjoe ayaw itapon

ISA kami sa talagang nag-abang sa house tour vlog ni Bea Alonzo nitong Sabado, Set. 26 dahil naengganyo kami sa teaser nito sa kanyang Instagram account.

Sa unang pagkakataon kasi pagkatapos ng renovation nito ay ipakikita ng Kapamilya star sa publiko ang loob ng kanyang bahay.

Sabi ni Bea, “This has been my home for the past eight years, and ang dami nang nagbago. It evolved, just like myself. And you have always been part of my journey.

That’s why I am thrilled that I’ll be able to share it with you, finally.”

Nakangiti kami habang pinanonood ang 16 minutes and 35 seconds house tour ng dalaga dahil ang ganda talaga at sigurado kami na magiging inspirasyon ito ng mga magpapagawa o magpapa-renovate ng bahay, promise!

Hindi minimalist si Bea tulad ng nauuso ngayon dahil siksik sa disenyo ang bahay niya na hindi basta-basta lang dahil para kang pumasok sa mini-museum na punumpuno ng art pieces na gawa ng mga kilalang sculptor, painter at conceptual artist.

Hindi na namin iisa-isahin kung ano ang mga ito dahil mas masarap itong panoorin sa kanyang vlog.

Ang talagang nakakuha ng atensyon namin ay ang art piece ng babaeng nagpapalipad ng saranggola na gawa ni Michael Cacnio, kilalang world-class brass sculptor at 2006 TOYM Awardee na bigay ng dati niyang boyfriend na si Zanjoe Marudo.

Kuwento ng aktres, “Can I just say na gustung-gusto ko ‘to, this was gifted to me by Zanjoe before, siyempre when we broke-up I was wondering kung dapat ba tinatanggal ‘yung mga mayroon ka from your ex but I just find it so beautiful and it reminds me of our good memories, so I thought why not keep it and I kept it, it’s really nice.’’

Sa pagkakaalam namin ay art collector din si Zanjoe kaya siguro binigyan niya si Bea ng art piece at may magandang mensahe ang babaeng nagpapalipad ng saranggola.

Bukod kay Z (tawag sa aktor) ay may picture collage rin si Anne Curtis na nakasabit sa puting dingding ng corner ng bahay ni Bea na gawa ng kaibigan niyang conceptual artist at curator.

“This is a collage art by Gary-Ross Pastrana, he is also a friend of mine, he came over here for our meeting at nakita niya ‘yung work niya and then sabi niya, ‘alam mo kung sino ‘yan?’

“Sabi ko, ‘sino?’ Akala ko naman mayroon siyang sasabihing kakaiba o sobrang lalim. Sabi niya, si Anne Curtis daw ‘yan (sabay turo sa frame). Sabi ko, paano naging si Anne’ yan hindi ko siya makita?

“Ang sabi niya, kinomisyon siya ng isang magazine at kailangan niyang gumawa ng collage from different pictures of Anne Curtis. So, if you look closely, makikita mo nga ‘yung nunal ni Anne, ‘yung lip ni Ann. So, Anne Curtis, you are hanging on my wall in my house,” masayang kuwento ng dalaga.

Sa labas ng bahay ng aktres ay may lanai malapit sa mini-pool na ginawa niyang studio kung saan niya sinusubukang magpinta-pinta kapag stress siya.

“I’m not a painter, I’m not good at painting but I do it just to relax to relieve my stress and it’s been doing the job very well,” sambit nito.

Samantala, abut-abot ang pasasalamat ni Bea sa mga nanood ng kanyang house tour dahil sa loob lang ng 24 oras ay naka-1 million views na ito.

“Never pictured myself as one to share my home to everyone but THANK YOU for appreciating what I have done to it through the years and for loving my little art collection.

“This is how I channel my creative energy, fixing my house and making sure I feel comfortable living in it. As I’ve said before, it is my sanctuary, and I try my best to take care of it because, for me, it is a reflection of how I take care of myself.

“You made my heart happy today after discovering that it hit 1 MILLION VIEWS in just 24 hrs! You guys are fantastic!!’’ caption ni Bea sa larawan niyang hawak ang kamera na ginamit marahil sa pagkuha ng kanyang house tour.

Sa kasalukuyan habang sinusulat namin ang balitang ito ay almost 2.1 million views na ang latest vlog ni Bea.

Read more...