Bigo ang oposisyon

Bandera Editorial

KUNG ang pagbabasehan ay ang nalalapit na simula ng kampanya para sa mga lokal na puwesto, malinaw na bigo pa rin ang oposisyon na patalsikin si Gloria (nakapagtataka, dahil sa mga demonstrasyon ng mga militante ay wala nang dumadagundong na sigaw na “Patalsikin si Gloria”).
Sa sunud-sunod, at halos inabangan at alam na ang mangyayari, na impeachment ay puro kabiguan ang inani ng oposisyon.  Nagtaasan ang kilay ng ilang opisyal ng militar nang makita si Corazon Aquino na nanguna sa panawagang bumaba na sa puwesto si Gloria.  Ilang beses na nagtawag ng malalaking rally si Aquino, pero naglaho na ang “Cory Magic.”
Bago simulan ang lokal na kampanya, naitalaga na ni Gloria sa mga pangunahing puwesto ang mga miyembro ng Philippine Military Academy Class 1978: Gen. Delfin Bangit, AFP chief; Maj. Gen. Reynaldo Mapagu, Army; Lt. Gen. Oscar Rabena, Air Force; Lt. Gen. Roland Detabali, Southern Luzon Command; Lt. Gen. Ralph Villanueva, Central Command; Maj. Gen. Juancho Sabban, Marines; Rear Admiral Feliciano Angue, National Capital Region Command; Maj. Gen. Romeo Prestoza, Intelligence Service; at Director Roberto Rosales, National Capital Region Police Office.
Tulad ng nakalipas nating editorial, ang National Police ay tagasuporta lamang ng iluluklok ng Armed Forces na sibilyang tagapamahala (tulad ng naganap noong 1986 aty 2001), sakaling lumaki ang gatong ng oposisyon na magkagulo sa araw ng halalan o ilang araw pagtakatos ng halalan; at sakaling di tumulong ang oposisyon sa pagdaraos ng mapayapa at malinis na halalan.
Sa mga bayan at lalawigan may mga electoral protests, nakatutulong sa gulo ang mabagal na aksyon ng Commission on Elections at Supreme Court.  Pero, ang aftershock ay di nadarama sa Metro Manila dahil wala naman talagang pakialam ang National Capital Region kung ano ang nangyayari sa lalawigan, bagaman ang may mga probinsiya pa na “imperial” pa rin ang pananaw sa Kabisera.
Kung gulo ang hanap ng oposisyon at Komunista, madaling masusupil ng nagkakaisang Class 1978.  Kailangan lamang balikan ang aral na iniwan ng mga kudeta kay Aquino, kung saan nakakilos ang mga satellite commands at madaling nakisimpatiya sa rebel soldiers.  Kung gulo ang kanilang ibig mangyari sa Mayo, tiyak na hindi sila makapupuwesto dahil nagkakaisa ang Class 1978.

Bandera, 031410

Read more...