KZ Tandingan hindi nawawalan ng trabaho kahit may pandemya; salamat sa YouTube

ISA si KZ Tandingan sa mga local performers na hindi nawawalan ng shows kahit pa may pandemya.

Kaliwa’t kanan ang inquiries sa kanya at malaking tulong ang views ng mga performance niya sa kanyang YouTube channel dahil dito nagbabase ang mga producer na gustong kunin ang serbisyo niya.

Tulad na lang ng nakaraang panayam sa kanya ng BBC Radio London 94.9FM kung saan kinanta niya ang “Nag-iisa Na Naman” na nakahamig na ng mahigit 1.2 million views.

Ibinahagi rin ng tinaguriang Asia’s Soul Supreme kung anu-ano ang mga natutunan niya ngayong COVID-19 pandemic.

“Let’s just say that I’m a planner. If kaya kong planuhin ang buong taon, I would. And I actually did but ayun, coronavirus happened. Medyo na-learn ko to just take each day as it comes.
“Kasi mahirap magplano ngayon. Sa industry na ‘to, if you don’t learn how to adapt, maiiwan ka talaga,” saad ng singer.

Kung productive na si KZ noong walang pandemic ay mas lalo ngayon na kahit work from home ay hindi siya nauubusan ng gagawin tulad ng paggawa ng content para sa online platforms.

At dahil dito ay kinuha siya ng Coke Studio para sa kanilang annual music event.

“Music ang palaging pinupuntahan ng tao for comfort, so sobrang nakakatuwa na may ganitong event, na kumbaga puwede pa rin natin samahan ang mga kababayan natin through music kahit hindi natin sila physically nakakasama,” say ng dalaga.

Makakasama ni KZ rito ang kapwa niya Cornerstone artist na si Moira dela Torre, Unique Salonga, Shanti Dope, December Avenue at Sarah Geronimo na mapapanood sa YouTube simula ngayong buwan hanggang Nov. 21.

Samantala, may nabasa kaming comment ng netizen na nagtatanong kung kailan ang kasal ni KZ at ng fiancé nitong si TJ Monderde?

May pinagtanungan kami tungkol dito ngunit hindi pa kami nakakatanggap ng sagot.

Read more...