PINAINIT nina Karla Estrada at Min Bernardo ang social media nang magkasunod silang nag-post sa Instagram na may konek sa tila magaganap na “kasalan” very soon.
Napa-OMG ang KathNiel fans lalo na nang gamitin ng mga nanay nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo ang caption na “K (ring emoji) N” sa kanilang IG photos.
Unang nag-post ang nanay ni Kathryn na si Mommy Min ng isang litrato ng tila wedding gown na pinusuan at ni-like ng libu-libong netizens.
Sinundan naman ito ng post ng nanay ni Daniel na si Karla kung saan makikita ang ilang envelopes na mukhang wedding invitation gamit ang kaparehong caption sa IG post ni Mommy Min.
Bumaha naman ng sari-saring reaksyon ang comments section ng Instagram post ng nanay nina Kath at DJ. Iba-iba ang kanilang interpretasyon sa paandar ng dalawang mommy.
Ayon sa ilang KathNiel fans, kung anuman ang ibig sabihin ng gown at invitation sa buhay at career ng kanilang mga idolo, siniguro nila ang pagbibigay sa mga ito ng kanilang 100 percent support. Basta ang mahalaga raw, sina Kath at DJ hanggang sa dulo.
May mga nagsabi naman na baka raw teaser lamang ito para sa upcoming project ng KathNiel na balitang nagsisimula nang mag-taping ngayon para sa bagi nilang serye (o sitcom).
Kung matatandaan, bago pa magkaroon ng pandemya at ipatupad ang community quarantine sa bansa, naibalita na nina Daniel at Kathryn na magkakaroon sila ng reunion project sa ABS-CBN.
Sa isang panayam, kinumpirma nina Daniel at Kathryn na beach wedding ang gusto nila.
“‘Yun po yung dream wedding namin pareho. Over the years kasi parating yung common na lugar na nagpapasaya sa amin yung dagat.
“Pareho kami na gusto yung wedding sa beach, kasama yung mga tao na tumulong kung paano maging kami ngayon. Kaya nasasabi parati, ‘Okay balang araw beach wedding tayo kasama silang lahat,” sabi ni Kathryn.
Ayon naman sa pahayag ni Daniel sa isang interview, baka raw after four or five years pa bago sila magpakasal ni Kathryn.
Samantala, may mga nagkomento naman na baka raw si Karla ang ikakasal dahil ilan sa mga celebrity friends ang bumati sa kanya tulad nina Vina Morales, Jaya at Ruffa Gutierrez na nagsabing excited na sila sa kung anuman ang magaganap na bonggang event sa buhay niya.