Paulo hinarap ang banta ng COVID-19: Kailangan na ng trabaho ng mga tao at pati na rin ako
ISA sa pinanghihinayangan ng cast at production ng seryeng “Walang Hanggang Paalam” ay ang napurnadang shooting nila sa iba’t ibang bahagi ng Asia.
Napanood namin ang pilot week ng bagong Kapamilya series sa ginanap na virtual press preview kamakalawa na in-organize ng Dreamscape Entertainment.
Ito’y pinagbibidahan nina Paulo Avelino, Angelica Panganiban, Arci Muñoz, Zanjoe Marudo, JC Santos at Jake Cuenca.
In fairness, simula pa lang ay umaatikabong aksyon at matinding aktingan na ang naganap sa pagitan ng mga bida at kontrabida ng serye kaya siguradong may aabangan na naman ang publiko gabi-gabi sa Primetime Bida ng Kapamilya Channel.
Sa nakaraang digital mediacon ng “Walang Hanggang Paalam”, ibinalita ni Paulo na iikot sana ang buong production sa Asia para sa ibat’t ibang highlights ng serye pero dahil nga sa COVID-19 hindi na ito natuloy.
“I’m just happy and thankful na natuloy. I wouldn’t say it’s a smaller scale kasi we’re still following the script na original script. Medyo naiba lang yung locations dahil sa lock-in,” paliwanag ng aktor na gaganap bilang dating special agent na ex-dyowa ni Angelica.
“Ako dito si Emmanuel Salvador na anak ni tito Ronnie (Lazaro) at kapatid ni McCoy (de Leon). Isa akong ex-NIA agent na natanggal sa trabaho dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari. At dahil dun, doon nagsimula ang problema ng lahat.
“Hindi lang sa trabaho kundi pati sa pamilya ko which is Angelica and our son. Parang dahil sa mga inaasahang pangyayari, nalalagay na naman si Emman sa mga sitwasyon na may kailangan siyang hanapin,” kuwento niya.
Nakaka-relate ba siya sa role niya? “I wouldn’t say it’s similar (sa totoong buhay niya). Siguro may hawig. May anak rin naman ako and alam ko din yung pakiramdam. Para yun na rin yung pinagbabasehan ko siguro.”
Paano siya napapayag na tanggapin ang proyekto sa kabila ng banta ng killer virus? “Hanggang maaari, tina-try natin na hindi lumabas, pero sa pagkakataong ito, kailangan na rin ng trabaho ng mga tao at pati na rin ako. So yun rin yung isang motivation. Hindi na ito tungkol sa aming mga artista, it’s more than that. It’s for everyone’s work.”
Tungkol naman sa pagsu-shooting sana nila sa ilang Asian countries, “It’s sad for everyone and also for us because the original plan was actually iikot ng Southeast Asia tapos mag-i-India then ang daming countries sana na pupuntahan for this. Ang dami na irn na kinausap na actors abroad and people who could help abroad also,” paliwanag ni Paulo.
Pero siniguro naman ng Dreamscape na marami ring makikitang magagandang lugar sa “Walang Hanggang Paalam” kahit na limitado ang kanilang mga location.
Kasama rin sa serye sina Tonton Gutierrez, Lotlot de Leon, Mary Joy Apostol, Sherry Lara, Victor Silayan, Javi Benitez at Cherry Pie Picache sa direksyon nina Emmanuel Palo at Darnel Villaflor.
Mapapanood na ito simula sa Lunes ng gabi all over the world sa pamamagitan ng Kapamilya Channel at iba pang digital platforms ng ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.