TOTOO kaya ang nakarating sa aming balita na tinanggal na si Julia Barretto sa Kapamilya series na “Cara Y Cruz” na nag-first taping day na kahapon?
Ito ang kuwento sa amin ng isang source dahil last minute raw nagsabi ang aktres na pumirma na siya ng kontrata sa Viva Artist Agency.
Noong nakaraang linggo pa namin alam ang isyung ito pero hindi muna namin sinulat. Naghihintay pa kami ng detalye kung bakit at paano iniwan ni Julia ang Star Magic at Kapamilya network na nagsilbing tahanan niya sa loob ng 14 years.
Ayon sa kausap namin, sinabihan na ang mga artista ng “Cara Y Cruz” na maghanda na dahil lock-in din ang taping nila. Pero three days before magsimula ang kanilang trabaho ay bigla umanong nagsabi si Julia na Viva na ang nangangalaga sa career niya.
Nagulat ang lahat pati na ang Star Magic kaya’t nagkaroon ng emergency meeting ang taga-production at ang talent management ni Julia.
Ayon sa kampo ng aktres ay nagsabi naman daw sila sa Star Magic na pipirma siya sa VAA pero tila hindi siya pinansin o nasabay sa problemang pinagdaanan ng ABS-CBN kaya’t nakalusot ito. Huli na ng kausapin nila si Julia dahil nakapirma na raw.
Naloka ang lahat at dahil naka-schedule na ang taping ng “Cara Y Cruz”, at handa na rin ang location at iba pa kaya kailangan na itong ituloy with or without Julia kaya ang ending, ni-revise ang script.
Nang nalaman namin ang balitang umalis na si Julia sa Star Magic ay tumawag kami roon para magtanong at ang nakuha naming sagot, “Wala po kaming alam, hindi ko po masasagot ang tanong ninyo.”
Well, nakagugulat naman talaga ang biglaang desisyon ni Julia na lisanin ang Kapamilya network dahil para sa amin ay walang dahilan dahil hindi naman siya pinababayaan ng istasyon.
‘Yung ilan, kaya umalis o nagpa-manage sa iba ay dahil wala naman silang project at hindi rin sila nabibigyan ng lead role tulad ng ibinibigay kay Julia.
Anyway, bukas ang pahinang ito sa paliwanag ni Julia, ng Star Magic at Viva Artist Agency. Agad naming ilalathala ang kanilang ilalabas na official statement hinggil sa isyung ito.