MATINDI ang naging epekto sa isip, sa puso at sa buong pagkatao ni Vice Ganda ng COVID-19 pandemic.
“Takot na takot ako sa COVID, takot na takot akong mahawa. Takot na takot akong magkasakit, takot na takot akong tuluyang magsara ang ABS-CBN kasi mawawalan kami ng mga trabaho,” ang simulang pahayag ng TV host-comedian sa kanyang latest vlog.
Super emotional na Vice Ganda ang humarap sa madlang pipol sa pamamagitan ng kanyang bagong YouTube video na may titulong, “Ang Istorya Ko Na ‘Di Nyo Alam.”
Dito, inamin ng komedyante na hindi pala niya kayang kontrolin ang lahat ng bagay, na kahit gaano siya kalakas at katapang ay may hangganan din ang lahat.
Habang tumatagal daw ay mas tumitindi ang takot na nararamdaman niya ngayong may pandemya na sinabayan pa ng pagsasara ng ABS-CBN.
“Hindi lang dahil sa pera, of course, factor ang pera, totoo ‘yon kailangan natin ng pera, pero ‘yung thought na hindi na ako magtatrabaho. Hindi na kasi ako sanay na hindi nagtatrabaho.
“‘Yung thought na mawawalan ako ng platform para makapagpatawa at saka ‘yung fact na ‘yung supporters ko hindi ako makikita, hindi ko maririnig ang madlang people, takot na takot ako roon,” paliwanag ni Vice.
Dugtong pa ng Phenomenal Box-office Star, “Tapos takot na takot ako na isa-isang nawawala ‘yung mga taong malapit sa akin.
“Una, parang nawala ang pamilya ko sa akin physically kasi hindi ako makapunta sa bahay ng nanay ko kasi hindi rin sila makapunta sa akin.
“Ganoon dapat i-isolate natin ang isa’t isa, mag-quarantine tayo para safe tayo at hindi kumalat ang virus. So physically parang nawala. Tapos nawala ‘yung mga katrabaho ko. Tapos hindi kami umeere,” lahad pa niya.
Patuloy pa niyang kuwento, “So, ang natitira sa akin ‘yung mga kasama ko sa bahay. Tapos ‘yung isa sa pinakamahalagang kasama ko sa bahay, ‘yung best friend ko, nawala. Hindi ko maintindihan bakit, kung paano.”
Dahil sa lahat ng nangyayari, napagtanto niyang, “Hindi pala ako ganu’n kalakas at kailangan ko maramdaman na hindi ako ganun kalakas para kumapit ako roon sa malakas.
“Akala ko lahat ng problema ay kaya kong gawan ng paraan. I thought I could be in control all the time but now, it’s very clear I can not be in control of everything.
“‘Yun ang pinagpapasalamat ko na may ipinamumulat sa akin si Lord. Hinuburan ako ni Lord ng kumpyansa, lakas, binabawasan niya ako ng tapang para bumalik ako sa kanya para ma-realize ko na ako lang ‘to. Hindi ko kaya lahat. Kailangan kong bumalik sa Kanya,” mensahe pa ng TV host-comedian sa publiko.