Umapila si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa mga trader at retailer ng baboy na huwag mag-overprice sa harap ng nakaambang kakulangan ng suplay dahil sa pagkalat ng African swine fever sa Luzon.
“Huwag po tayong mag-overprice sa presyo ng karneng baboy. Nabili niyo po ‘yan sa inyong supplier sa tamang presyo, kaya ibenta niyo rin sa tamang halaga,” sabi ni Belmonte.
Batay sa daily market report ng Quezon City Veterinary Department, may mga meat retailers na nagbebenta ng karneng baboy ng umaabot pa sa P300 kada kilo. Ang suggested retail price ng baboy ay P260 hanggang P270 kada kilo.
Siniguro ni Belmonte sa mga mamimili na ang pamahalaang lungsod ay regular na nagmo-monitor ng mga lokal na palengke.
“Araw-araw pong may nagmo-monitor sa ating mga pamilihan upang masigurong walang overpricing, hindi lang sa karneng baboy kundi sa iba pang bilihin,” wika niya.
Ayon naman kay City Veterinarian Dr. Ana Marie Cabel na maging ang mga imported at frozen meat products ay iniinspeksyon din ng kanilang departamento.
“Tuloy-tuloy naman ang inspeksyon natin sa wet markets, grocery at supermarket para masigurong safe at walang ASF ang bibilhin ng ating mga resident,” ani Cabel.