Tax exemption ng SMC sa Bulacan airport project, kinontra ng advocacy group

Kinontra ng isang policy advocacy group ang tax exemption na ipinagkaloob ng Kongreso sa proyektong international airport ng San Miguel Corp. sa lalawigan ng Bulacan.

Ayon sa Action for Economic Reforms (AER), ang probisyon sa panukalang batas na nagbibigay ng prangkisa sa SMC para maitayo ang New Manila International Airport sa bayan ng Bulakan ay mangangahulugan ng pagkawala ng may P38 bilyong kita ng pamahalaan sa panahong itinatayo ang paliparan.

Iginiit ng AER na hindi dapat ipatong sa balikat ng taxpayers ang mga pasanin ng pribadong sektor.

Nakapaloob sa 50-taon na prangkisa na bibigyan ang San Miguel Aerocity Inc., ang subsidiary ng SMC, ng tax exemption sa kalahati ng kita nito na lagpas sa  12-porsyento na profit margin at sa lahat  ng profit na lagpas sa  14 porsyento, maliban pa sa ibang tax incentives, sakaling maipasa ang panukalang batas ng Kamara.

Sa insentibong ito, aabot umano sa P1.5-2 bilyon kada taon ang mawawalang kita ng gubyerno.

Tutol ang Department of Finance sa panukalang tax incentives para sa proyekto sa harap na rin ng pangambang tularan ito ng ibang proyekto.

Ayon kay Finance Assistant Secretary Maria Teresa S. Habitan, sa ilalim ng  build-operate-transfer (BOT) law, “the government must not provide subsidies or guarantees to proponents.”

Idiniin ng AER na malinaw  ang panuntunan ng pamahalaan na hindi dapat magamit ang public funds na pantapal o pansalo sa pribadong puhunan o gastusin.

“The costs and risks of building the 2,500-hectare SMC Aerocity have to be shouldered by Ang’s companies,” ayon pa sa ER.

Read more...