Siyam pang Pinoy sa abroad, gumaling sa COVID-19

Napaulat na tatlo ang bagong nagpositibong Pilipino sa COVID-19 sa ibang bansa.

Sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) hanggang September 26, umakyat na sa 10,433 ang mga kumpirmadong positibo sa COVID-19 na Pilipino mula sa 78 na bansa at rehiyon.

Sa nasabing bilang, 2,989 ang patuloy na nagpapagamot sa iba’t ibang ospital.

Siyam naman ang bagong gumaling kung kaya 6,654 na ang overseas Filipinos na naka-recover sa nakakahawang sakit o na-discharge na sa ospital.

Samantala, apat naman ang napaulat na nasawing Pilipino.

Dahil dito, 790 na ang COVID-19 related deaths sa mga Pilipino sa abroad.

Pinakamarami pa ring naitalang confirmed COVID-19 positive na Pilipino sa bahagi ng Middle East/Africa na may 7,074 na kaso.

Sumunod dito ang Europa na may 1,179 confirmed COVID-19 positive cases.

Nasa 808 naman ang kaso sa Americas at 1,372 sa Asia Pacific Region.

Tiniyak ng DFA na sa pamamagitan ng Foreign Service Posts, tututukan ang lagay ng mga Pilipino sa ibang bansa at handang umasiste sa mga kababayan na apektado ng COVID-19 pandemic.

Read more...