Sa ikalawang bahagi ng tsikahan kay Direk Cathy Garcia Molina ng cast ng “One More Chance” na sina Bea Alonzo, Beatriz Saw, Ahron Villena, Janus Del Prado at Dimples Romana ay inamin ng una sa edad niyang 32 ay nakakaramdam na siya ng takot dahil wala pa rin siyang asawa.
Sa kanyang Nickl Entertainment channel sa YouTube, tinanong kasi ni direk Cathy kung sino sa kanila si Popoy (karakter ni John Lloyd CruZ) at Basha (karakter ni Bea) kapag nagmahal.
Ang sagot ni Bea, “Basha ako, kasi nu’ng bata ako mas hindi ako takot makipag break, hindi ako takot mag move on. Mas kaya kong mag let go sa mga bagay, sa mga tao.
“Tapos ‘yung sa ‘Second Chance’ di ba si Basha na ‘yung parang nagho-hold on. Baka ako rin ‘yung Basha ngayon sa ‘Second Change’ na parang (nagsasabing), ‘kung kaya namang ayusin, bakit hindi ayusin.’
“Siguro kasi nasa edad, I’m already 32. Lalo na last year parang nagwo-worry ako sa age ko tapos hindi pa ako nagse-settle down. Tumitingin ako sa paligid ko, lahat kasi ng high school friends ko direk (Cathy), ikinasal na kasi.
“So, parang meron ka nga no (takot), naghahabol ka. Parang ngayon lang ako nagiging kumportable sa sarili kong timeline.
“Last year and before last years para akong naa-agit (agitate), iniisip ko, ‘kasi as a person din mahilig akong magplano ng buhay ko na lagi kong iniisip na ‘dapat ganitong buhay ko may asawa na ako, may anak na ako’ tapos hindi nangyayari so napu-frustrate ako o feeling ko failure ako.
“Di ba nga ever since bata ako alam ko na kung ano ang gusto kong maging, tapos kapag hindi nangyayari feeling ko nagpi-fail ako, so ayun, very Basha (magmahal).”
Sa nasabing kuwentuhan ng “One More Chance” cast ay natanong kung happy sila sa sex life nila at namumukod tanging si Bea lang ang sumagot ng, “wala.”
Sino ang gustong bigyan ng aktres ng “One More Chance” sa exes niya, “wala!”
Tila hindi pa rin nawawala ang galit ni Bea sa huling boyfriend niyang si Gerald Anderson dahil ang sabi niya, “huwag na nating pag-usapan ‘yung huli ko.”
Napagkuwentuhan kasi ang mga nakaraang karelasyon na imposibleng hindi naisip ng aktres na bigyan ng isa pang pagkakataon sila.
“’Yung isa kasi 6 years kami, paulit-ulit ‘yun na mas siya ‘yung nakikipag break kasi personality nya ‘yun na sometimes he doesn’t mean it. Siguro defense mechanism niya na, ‘o tama na, hindi na ‘to nagwo-work.’ And then magbabalikan din kami the next day or like few days later.
“Parang nagiging practice na lang siya and then parang ako lagi ‘yung I would always chase him na, ‘ayusin natin ‘to, it’s going to work.’ Until one day, ako na ‘yung nagsabing wala na kasi ubos na ubos na ako no’n.
“Meron pang time before ako mag-leave, wala na talaga akong maramdaman, ‘yung every after ng shooting natin ng ‘Second Chance’ hindi ko nasasagot ang phone, di ba wala tayong signal doon direk (Cathy) sa apartment.
“So phone lang (kami nag-uusap) tapos naglalabas siya ng sama ng loob, siyempre natural kasi hindi ko siya nasasagot di ba? Natural lang ‘yung pinanggagalingan niya kaya okay kami pero ‘yung nagagalit siya sa akin, tapos ako wala akong maramdaman.
“Kaya sinasabi ko lagi I’m sorry kasi gusto ko na ggang matapos pero actually ‘yung mind ko, wala na sa sinasabi niya kasi kumain ako tapos tumitingin ako sa bahay ko kasi magpa-Pasko no’n so (inisip) ko kung ano ang ilalagay kong decoration sa Christmas tree. As in hindi na nagma-matter ‘yung words so parang inuubos ko muna lahat.” Buong kuwento ng aktres.
Hmm so alam na kung sino ang ex-boyfriend na tinutukoy ni Bea bago itong huli niya?