NALALAPIT na rin ang pagbabalik-taping ng Kapuso actress na si Carla Abellana.
Ayon sa dalaga, naghahanda na siya para sa lock-in taping ng primetime series na “Love of my Life” na pansamantalang nagpaalam sa ere dahil sa pinairal na lockdown dulot ng pandemya.
Aniya, “Kukulangin yata ‘yung tatlo o apat na luggage. Sa box naman, ‘yung mga kagamitan pa lang mismo, ‘yung supplies pa lang, parang nakakaapat na yata ako na medyo malalaki.
“Kasi nga lock-in kami, bawal lumabas, bawal din pumunta sa location ang kahit sino kaya kailangan kumpleto ang lahat ng kakailanganin sa taping,” lahad ng aktres.
Dagdag ni Carla, hindi pa rin daw nire-reveal sa kanila ang magiging takbo ng kuwento ng kanilang serye.
“Kami medyo binibitin ng writers ayaw pang i-reveal ang buong kuwento, kung anong mangyayari at kung ano ang ending, pero maraming changes,” aniya pa.
May mensahe naman siya sa mga nami-miss na ang “Love of my Life” sa primetime, “Mga Kapuso nating nabitin sa Love of My Life, itutuloy lang namin ‘yun and promise na gagawin namin ‘yung best namin at maganda pa rin ‘yung bawat episode.”
* * *
Sa teaser na inilabas ng GMA 7, makikitang kasado na ang “The Clash Season 3” na eere na muli ngayong Oktubre.
Muling magbabalik ang Clash Masters na sina Asia’s Pop Diva Julie Anne San Jose at Rayver Cruz kasama ang Journey Hosts na sina Rita Daniela at Ken Chan.
Handa na rin ang Clash Panel na sina Asia’s Nightingale Lani Misalucha, Asia’s Romantic Balladeer Christian Bautista, at Comedy Concert Queen Ai Ai delas Alas.
Marami ring changes sa new season ng “The Clash” kabilang na riyan ang sistema ng produksyon off-cam.
Dahil pa rin sa banta ng COVID-19, kinailangan ng staff at buong crew ng GMA singing competition na sumunod sa safety protocols para sa new normal taping.
Sa Facebook post ng “The Clash”, makikita ang mga eksena sa ginawang final call back screening kamakailan.
Kitang-kita na balot ang katawan ng mga cameraman ng PPE o personal protective equipment habang naka-face mask at face shield.
Sinisiguro ng production ng show ang pagdi-disinfect ng mga mikroponong ginagamit ng contestants.