Kokoy, Elijah nagpa-swab test muna bago maghalikan; ABS-CBN wagi ng Silver Stevie award

 

BAGO pala kinunan ang pagtatapos ng digital series na “Game Boys” lalo na ang kissing scene nina Gavreel (Kokoy de Santos) at Cairo (Elijah Canlas) ay naghintay muna ang production nang ilang araw.

Nagpa-swab test muna ang dalawang bida kasama ang staff and crew dahil nga magkikita na sila nang pisikal.

Kitang-kitang na-stress si Kokoy nang sundutin ang magkabilang butas ng ilong niya dahil panay ang singa niya at pindot nito.

“So, wait kami ng 3 days para malaman ang result, sana negative kaming lahat,” say ni Gavreel.

Naka-lock in ang lahat sa isang hotel kung saan ipinakita ni Kokoy ang kanyang kuwarto at mga dalang gamit tulad ng sariling rice cooker, sandwich maker, coffee maker, maraming pagkain, mga damit at iba pa dahil nga ilang araw silang nasa hotel.

Pagkalipas nang tatlong araw ay ipinakita na ni Kokoy ang resulta ng swab test nila at negatibo naman kaya lumabas na siya ng kuwarto at dinalhan ng pizza si Elijah na kahit pala wala sa harap ng camera ay “Baby” ang tawag niya.

Halatang medyo naiilang si Elijah kapag tinatawag siyang Baby ni Kokoy na tila naaaliw naman sa ginagawa niya sa ka-loveteam.

At para hindi mainip sa loob ng kuwarto ay ipinakita ni Kokoy ang pag-exercise niya, page-edit ng videos, at kung paano niya inaayos ang kuwarto niya, nalaman naming OC (obsessive compulsive) pala ang aktor.

Anyway, muling dinalhan ni Gavreel ng pagkain si Cairo at sabi niya, “Hi baby, kainin mo na yan ha, pag hindi mo kinain, ikaw kakainin ko.”

Kinabukasan ay si Elijah naman ang nagdala ng pagkain kay Kokoy and as usual, malambing na sinalubong niya ito ng “Hi baby, dito ka na lang kumain.’ Pero hindi agad ang sagot ng una.

Sa totoo lang ha, alam naming biro lang ito lahat ni Kokoy pero sabi nga nila ang biro ay half meant, hindi nga kaya may attraction na rin siyang nararamdaman para kay Elijah na iwas na iwas naman sa kanya?

Sa nasabing kissing scene nina Cairo at Gavreel sa pagtatapos ng “Game Boys” ay kitang-kita na mas aggressive ang huli sa paghalik na tila tuod naman ang una.

Samantala, nabanggit sa amin ng IdeaFirst producer na si Direk Perci Intalan na magkakaroon muna ito ng season 2 bago gawing pelikula.

* * *

Nakakataba ng puso para sa mga may-ari at bossing ng ABS-CBN dahil kahit sarado na ang network ay patuloy pa rin ang natatanggap nilang pagkilala.

Partikular na nga rito ang mga parangal para sa nagawa nilang paglilingkod sa mga nangangailangan sa panahon ng COVID-19 pandemic.

Nagwagi ng Silver Stevie® award para sa Most Valuable Corporate Response ang Kapamilya network sa 17th International Business Awards® (IBA), na magdaraos ng isang virtual ceremony sa Disyembre.

Pinuri ang ABS-CBN ng mga judge sa International Business Awards dahil sa iba-iba nitong atake para mapaglingkuran ang Pilipino sa panahon ng krisis dulot ng COVID-19. Sabi ng isa, kahanga-hanga ang dedikasyon ng kumpanya sa komunidad.

Dagdag pa ng isang judge, nakamamangha na nakatutulong pa ang network sa nangangailangan habang patuloy din itong nagbibigay ng trabaho at naghahatid ng balita sa publiko.

Bukod sa balita, hinandugan rin ng ABS-CBN ang mga 70 milyong manonood nito ng mga mga programang puno ng inspirasyon sa iba’t ibang media platforms. Tinulungan din nito ang gobyerno ipaliwanag sa madla ang COVID-19 sa pamamagitan ng Ligtas Pilipinas sa COVID-19 information campaign.

Malaki rin ang naiambag ng Pantawid ng Pag-Ibig ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation, kung saan ang network ang nagbigay ng unang donasyon na P50 milyon.

Binigyang puri rin ang ginawang pangangalaga ng network sa mga manggagawa at artista nito sa pamamagitan ng pagpapatupad ng safety protocols at work-from-home schemes, at patuloy na pagpapasweldo at pagbibigay ng mga benepisyo habang naka-quarantine.

Ang IBA o Stevie Awards ay itinuturing na pinakaprestihiyosong business awards sa mundo na kumikilala sa tagumpay at kontribusyon ng mga kumpanya sa buong mundo.

Read more...