MAY mga offer si Angelica Panganiban mula sa ibang TV networks ngunit mas pinili niyang manatili sa ABS-CBN.
Sa kabila ng pagpapasara ng Kongreso sa Kapamilya Network matapos ipagkait dito ang bagong prangkisa, nanindigan si Angelica na hinding-hindi lalayasan ang kanyang mother network.
Kagabi, muling nakachikahan ng ilang members ng entertainment media ang aktres para sa launching ng kanyang digital talkshow, ang “Ask Angelica.”
Dito nga niya siniguro na mananatili pa rin siyang Star Magic talent at wala siyang planong lumipat sa ibang network tulad ng ilang Kapamilya artists.
Aniya, never niyang naisip na iwan ang ABS-CBN na naging tahanan na niya mula pa noong nine years old siya.
“May mga tumawag. May mga nag-offer. Hindi siya kasi sumagi sa isip ko, e.
“Hindi pa siguro ngayon. Hindi ko puwedeng pangunahan yung mga mangyayari,” chika ni Angelica sa digital mediacon ng “Ask Angelica.”
Wala raw siyang makitang dahilan sa ngayon para layasan ang ABS-CBN, “Pero ngayon, hindi ko lang kaya. Happy ako, e. Happy ako kung nasaan ako ngayon. Hindi ko nakikita yung need bakit.”
Ngunit agad naman niyang nilinaw na, “I have nothing against naman sa mga kaibigan ko din na gustong magtrabaho sa ibang network.
“May mga pangangailangan tayo, e. May mga kaibigan tayo sa industriya na talagang kailangang-kailangan, so, dun sila, di ba?” lahad pa ng dalaga.
“Ako naman, I’m very thankful na hanggang ngayon may trabahong ibinibigay sa akin yung ABS-CBN.
“Dito na muna ako. Siguro pag walang-wala na talaga, wala na kaming makain pamilya, saka ako lilipat. Pero hangga’t meron, okey pa naman ako,” chika pa ni Angge.
Samantala, para sa lahat ng fans and supporters ng aktres na tuwang-tuwa sa kanyang mga hugot lalo na pagdating sa lovelife, siguradong mas ma-eenjoy n’yo ang “Ask Angelica”.
Dito, walang patumanggang sasagutin ng “Hugot Queen” ang mga tanong ng online audience with matching advice pa para sa mga hihingi ng payo sa kanya.
“Nakakatuwa rin kasing makinig sa mga iba’t ibang issues, mga problema, at pinagdadaanan ng mga tao. Sana they’ll consider my suggestions and mga advice,” aniya pa.
Ang “Ask Angelica” ay mapapanood sa social media accounts ng ABS-CBN Films (Star Cinema and Black Sheep), YouTube channels ng Sinehub at MyChos, Kapamilya Online Live streams at Kumu.
May delayed telecast din ito sa Cinema One at Jeepney TV. Para sa pilot episode, special guests ni Angelica sina Kim Chiu at Bela Padilla.