Willie bayad na ang ‘utang’ sa mga tsuper: Hindi ako tumutulong para magpasikat

NABAYARAN na ni Willie Revillame ang kanyang “utang” sa mga jeepney driver na nawalan ng kabuhayan dahil sa pandemya.

Ibinalita ng TV host-comedian sa nakaraang episode ng “Wowowin” na naibigay na niya ang karagdagang P1 million na donasyon sa mga tsuper.

Kung matatandaan, noong nakaraang buwan, mismong si Willie ang naghatid ng kanyang ayuda sa  mga driver ng jeep na ilang buwang hindi nakapasasa dahil sa COVID-19 crisis.

Ngunit nalaman ng staff ng “Wowowin” na hindi kumpleto ang listahan ng mga pangalang tatanggap ng donasyon mula kay Willie na nagkakahalaga ng P5 million.

Kaya naman nag-promise ang Kapuso TV host na huwag mag-alala ang mga wala sa listahan dahil ihahabol daw niya very soon ang kanyang “utang”.

Tinupad ni Willie ang kanyang pangako kamakailan matapos maibigay sa mga kinauukulan ang additional na P1 milyong ayuda.

Ipinagdiinan din niya na ang ginagawa niyang pagtulong sa mga mahihirap nating kababayan ay mula sa kanyang puso at hindi para magyabang.

“Hindi ako tumutulong para magpasikat. Tumutulong ako dahil kailangan natin silang tulungan sa hirap ng buhay, lalung-lalo na ho ‘yung mga taong kapuspalad. ‘Yun ang pinakamaganda.

“Masarap matulog mamaya kapag may natutulungan. ‘Yun lang naman. Thank you Lord, ginagamit niyo itong programang ito para sa ating mga kababayan.

“Hangga’t may mga taong may ginintuang puso, huwag kayo mag-alala. Maraming tutulong sa ‘yo. Sa mga taong tumutulong, nakikita man o hindi nakikita, we salute you at salamat sa inyo ha,” mensahe pa ni Willie Revillame.

Aniya pa, plano rin niyang tulungan ang mga OFW ngayong Kapaskuhan, lalo na yung mga walang kakayahang magpadala ng karagdagang budget para sa mga pamilya nilang naiwan dito sa Pilipinas.

Read more...