Ang Nawalang Resale Royalty ng mga Artist | Bandera

Ang Nawalang Resale Royalty ng mga Artist

Atty. Rudolf Philip Jurado - September 17, 2020 - 05:50 AM

Nakatanggap ng tawag ang isang kilalang artist noong nakaraang linggo mula sa isang art gallery sa Makati City. Nagulat at natuwa ang artist ng sabihan siya na mayroon siyang tseke (check) para sa Resale Royalty ng kanyang painting na naibenta ng art gallery. Agad naman ipinost ng artist ang pangyayari sa kanyang facebook at ito ay umani ng maraming likes,shares at comments lalo na sa kapwa niya artist.

Ang ganitong eksena ay tila himala para sa mga artist dahil iilan lang ang sumusunod sa batas tungkol sa kanilang Resale Royalty. Ang pangyayaring ito ay nagbigay naman ng malaking pag-asa sa mga artist na ang karapatan nilang tumanggap ng Resale Royalty sa mga pinagbentahang mga painting at sculpture ay susuportahan ng mga namumuno sa gobyerno at sa art industry, lalo na hanay ng mga art dealers, art galleries at auction houses.

Ang pagbibigay ng Resale Right at Resale Royalty, hanggang sa limang (5%) porsyento ng gross selling price sa kada bentahan ng mga painting o sculpture, sa mga artist pati na sa heirs ng mga artist, ay pinag uutos ng Intellectual Property Code (Section 200, RA No. 8293).

Dahil batas ang nagbigay ng Resale Royalty sa mga artist at heirs ng mga artist, tanging batas lang ang makakabawi sa karapatang ito. Ngunit ang Resale Royalty ng mga artist at heirs ng mga artist ay nanganganib na mawala dahil sa Implementing Rules and Regulations (IRR) na ginawa at pinasa ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) na naging epektibo noong September 5, 2020

Ayon sa IRR, para maging entitled sa Resale Right at makakuha ng Resale Royalty, kakailanganin na irehistro muna ang mga painting at sculpture sa National Registry of Qualified Works (NRQW). Malinaw ang IRR. Walang rehistro o hindi rehistrado sa NRQW ang mga painting at sculpture, walang Resale Right at Resale Royalty. Sa madaling salita, ang patakaran o policy base sa IRR ay maaaring sabihin “No Registration, No Resale Royalty”.

Ang “No Registration, No Resale Royalty” ay wala sa batas. Ang batas na nagbigay sa mga artist at heirs ng mga artist ng Resale Right at Resale Royalty ay hindi nagtakda ng ganitong requirement o patakaran. Hindi sinabi ng batas na kailangan munang irehistro sa NRQW o kung saan pa man ang mga painting at sculpture bago magkaroon ng Resale Right at Resale Royalty. Kung hindi sinabi o tinakda ng batas ang pagrerehistro, hindi naman maaaring idagdag ito sa IRR.

Ang “No Registration, No Resale Royalty” ay hindi din naaayon sa intensyon at layunin ng batas. Matatandaan na noong November 14, 1972, naisabatas ang Presidential Decree (PD)  No. 49 kung saan ang Resale Right at Resale Royalty ng mga artist ay unang kinilala. Sa PD No.49 (Section 32), bago magkaroon ng Resale Right at Resale Royalty ang mga artist sa kanilang mga nilikha, kailangan munang irehistro ang mga painting at sculpture sa National Museum. Sa ibat ibang kadahilanan, personal man o politika at mali man o tama, maraming artist ang hindi nerehistro o ayaw irehistro ang kanilang mga painting at sculpture sa National Museum. Dahil dito nabalewala at nawalang saysay ang kanilang Resale Right at Resale Royalty. Kaya naman ng isinabatas ang Intellectual Property Code ( RA 8293) noong 1998, tiniyak ng mga mambabatas na ang pagrehistro ng mga painting at sculpture sa National Museum o kung saan saan pa (tulad ng National Registry of Qualified Works-NRQW) ay hindi na kailangan upang magkaroon ng Resale Right at Resale Royalty ang mga artist at heirs ng mga artist. Klaro ito sa batas. Ito ang intensyon ng batas. Tinanggal ng batas ang “No Registration, No Resale Royalty” at nararapat lamang na huwag ilagay at ibalik ito sa IRR.

Ang pagbalik at paglagay ng “No Registration, No Resale Royalty” sa IRR ay magiging sanhi ng pagkawala o pagtanggal ng Resale Right at Resale Royalty ng mga artist. Una, wala ni isang painting o sculpture ang narehistro sa NRQW bago mag Sept 5, 2020. Tiyak na hindi narehistro sa NRQW ang mga painting at sculpture na nagawa at naibenta bago naging epektibo ang IRR noong Sept 5, 2020 dahil wala pang requirement na irehistro muna ito sa NRQW. Wala pa din NRQW bago mag Sept 5, 2020 kaya wala din pagrerehistrohan. Ang ibig sabihin nito, kung susundin ang IRR na “ No Registration, No Resale Royalty, wala ni isang artist o heirs ng artist ang magkakaroon ng Resale Right at Resale Royalty mula 1998 hanggang Sept 5, 2020 o higit pa. Kasama na dito ang mga Resale Royalty na dapat matanggap ng mga artist at heirs ng mga artist sa magaganap na dalawang (2) auction sale nitong buwan ng September.  Pangalawa,mahirap na sa mga artist, lalo na sa heirs ng artist, na  irehistro ang mga painting at sculpture na naibenta na. Maaaring hindi na din nila alam kung nasaan at sino na ang nagmamay-ari nito kaya papaano nila marerehistro ang mga ito.

Ang Resale Right at Resale Royalty ay isinabatas para tulungan ang mga artist at kanilang heirs. Ito ang klarong layunin ng batas-tulangan sila.

Ang “No Registration, No Resale Royalty” ay kontra sa tunay na layunin ng batas dahil magdudulot lang ito ng pagkawala ng karapatan ng mga artist at heirs nila sa Resale Royalty na hanggang ngayon ay hindi pa nila ganap na pinakikinabangan.

Maaaari pa naman baguhin ang IRR sa pamamagitan ng pagpapalabas ng isang Revised Implementing Rules and Regulations at alisin ang “No Registration, No Resale Royalty”.

Isama na din sana sa Revised Implementing Rules and Regulations ang patakaran kung papaano maipatutupad ang Resale Royalty sa mga bentahan sa art dealers, art galleries at auction houses.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Samantala, habang hindi pa nababago ang IRR o hindi pa dinedeklara ng korte na labag sa batas ang IRR, ang mga artist at heirs nila ay walang Resale Royalty, maliban na lang kung magkukusang magbigay ang mga sellers ng Resale Royalty sa tulong ng mga art dealers, art galleries at auction houses.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending