Masaya niyang ibinalita na napapanood na sa Netflix ang kanilang pelikula simula pa noong Set. 9.
Aniya, “Excited na ko na mapanood sa Netflix ang Best Picture ng Cinemalaya kasi alam kong magugustuhan ito ng mga manonood.
“Isang pelikulang simple pero may kurot sa puso. Since hindi na natin naipalabas commercially ang ‘Dapithapon’ I’m sure na marami ang manonood nito sa Netflix.
“At tribute na rin ito kay Menggie (Cobarrubias) na ang galing-galing din sa ‘Dapithapon.’”
Oo nga, sayang at hindi na napanood ni Menggie ang pelikulang “Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon” sa direksyon ni Carlo Enciso Catu at line produced ng Cleverminds, Inc..
Talagang hindi niya pinakawalan ang role nu’ng i-offer sa kanya at umaming gustung-gusto niya ang karakter niya bilang si Celso bukod pa sa bida siya rito.
Si Menggie ay binawian ng buhay noong Marso 26, 2020 na hindi naman sinabi ng pamilya kung ano ang dahilan ng kanyang pagkamatay.
Inspiring story ang “Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon” na kuwento ng mag-asawang sina Bene (Dante Rivero) at Teresa (Perla Bautista) na naghiwalay na pero nanatiling magkaibigan. Si Menggie ang gumanap na ikalawang asawa ni Teresa.
Hiningan namin ng reaksyon ang taga-Cleverminds ngayong nasa Netflix na ang movie, “Hwah! Masaya na finally mapapanood na s’ya ng mga Pilipino. Isang pag-alala rin kay Tito Menggie na isa sa lead actor ng pelikula na pumanaw ngayon panahon ng pandemya.
“Sobrang nagpapasalamat po kami sa Cineko Productions Mayor Enrico Roque at Patrick Meneses na nag tiwala sa proyekto at kay Nanay Cristy Fermin na naging tulay upang mabuo ang pelikulang ito,” sabi pa ng aming kausap.
Sayang nga at nawala na si Menggie, puwede pa sana itong magkaroon ng prequel.