Isang malaking katangahan na pinahintulutan ng pamahalaan ang Dito Telecommunity na magtayo ng mga cellular towers sa loob ng mga military camps, ito ang tahasang pahayag ni retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio.
Sinabi ni Carpio na sa hakbang na ito ay malaking banta sa seguridad ng bansa dahil binigyan ng Pilipinas ang China ng pagkakataong maglagay ng “listening device” para makapag-espiya ito.
Ang Dito Telecommunity ay isang consortium ng Udenna Corporation na pagmamay-ari ng Pilipinong negosyateng si Dennis Uy at ng China Telecommunications Corporation, na pagmamay-ari naman ng pamahalaan ng China.
“I think it’s very dumb of us to allow those towers to be installed inside military camps,” sabi ni Carpio sa panayam ng programang “The Source” sa CNN Philippines.
“Just imagine, putting a tower inside of the military camp—and the equipment, all those chips on these towers are made in China, they can just put in spy firmware, the software come from China,” paliwanag pa niya.
Sinabi pa ni Carpio na ang naturang spy applications ay maaari ring gamitin sa “eavesdropping” o pagsagap ng mga pag-uusap ng mga tao kahit pa naka-off ang mobile phones.
“You ask any security analyst who’s familiar with cybersecurity, and they will tell you, absolutely do not allow towers to be installed in your military camps. Because it’s like allowing China to put a listening device in your conference room,” pagbibigay-diin ni Carpio. “I think it’s a no-brainer.”
Kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana noong Martes na lumagda siya sa isang kasunduan na nagpapahintulot sa third telco na magtayo ng cell towers sa loob ng mga kampo ng militar.
Muling lumutang ang security at privacy concerns kasunod ng anunsiyo kung saan tinukoy ng ilang opisyal at mambabatas ang partnership ng Dito sa Beijing-run China Telecom.
Noong nakaraang taon ay pinayagan din ng Armed Forces of the Philippines ang Dito Telecommunity na maglagay ng communications equipment sa mga kampo nito, subalit hindi ito natuloy makaraang kuwestiyunin ng ilang mambabatas dahil sa isyu ng seguridad.
Nanatiling malaking banta sa soberenya ng bansa ang patuloy na pambabraso ng China sa South China Sea, kung saan maging ang mga lugar na bahagi ng continental shelf ng Pilipinas ayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea ay inaangkin ng Beijing.
Nagsampa ng reklamo ang Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration at nanalo ang bansa laban sa China noong Hulyo 12, 2016. Pero hindi kinilala ng Beijing ang desisyong ito ng international tribunal.