Sanya saludo sa Bayanihan spirit ng Pinoy; na-excite sa itatayong airport sa Bulacan

KAHIT hirap sa simula ay nakakapag-adjust na rin si Sanya Lopez sa tinatawag na “new normal.

“Hindi pa rin ako gaanong nakakalabas dahil puro work from home lang ang ginagawa ko na ibinibigay sa akin ng GMA and endorsements.
“If I may count it mga three times lang akong nakalabas, yung nag-taping ako for Wish Ko Lang and isa pang show,” kuwento ng Kapuso actress.

Kaya medyo nalulungkot ang dalaga dahil limitado ang galaw tulad ng nakakarami dahil sa pandemya, “Medyo malungkot dahil isa pa naman sa mga dream ko ang makapag-travel sa ibat ibang lugar.”

Kaya’t dahil dito ay lagi niyang pinapaalala sa lahat lalo na sa mga kababayan niya sa Bulacan na iwasang magkasakit at huwag mawalan ng pag-asa sa gitna ng krisis na kinakaharap ng bansa.

“Ang message ko sa aking mga kababayan sa Bulacan ay maging maingat lagi sa sarili. Follow safety protocols. Wear mask and face shields. Let’s wash our hands regularly. And practice social distancing.
“Tatlo lang naman yon na ating tatandaan para makaiwas tayo sa COVID. And let’s not lose hope. Pag-aralan nating mag-cope sa ganitong crisis. Hindi naman tayo bibigyan ng problema na hindi natin kaya,” ani Sanya.

“Likas naman sa ating mga Bulakenyo ang pagiging matulungin kaya magtulungan tayo and keep the Bayanihan spirit within us. Darating ang panahon at malalagpasan din natin ito sa awa ng Diyos,” aniya pa.

Samantala, ngayong panahon ng pandemya ay naiisip talaga ni Sanya ang kalagayan ng mga kababayan sa kinalakihang lugar sa Malolos, Bulacan.
Kaya’t natuwa siya nu’ng mabalitaan na may itatayong airport ang San Miguel Corporation sa di-kalayuan sa bayan nila, “Nakaka-proud kasi taga-Bulacan ako at magkakaroon na kami ng airport dito,” ani Sanya.

Alam ng aktres na ito ay magbibigay ng pag-asa sa mga nawalan ng hanap-buhay at naapektuhang negosyo sa kanilang probinsya.

Namangha siya nang nalaman sa mga balita na kapag nagawa ang ang nasabing airport ay kaya nitong tumanggap ng 100 milyon na pasahero kada taon dahil sa paunang apat na runway, world class terminal at transport system.
Maliban dito ay mahigit isang milyong trabaho ang magagawa nito, sisibol ang iba’t ibang negosyo at makakatulong mapaunlad ang turismo.

Kapag napag-uusapan nga ang biyahe ay hindi maiwasang maalala ni Sanya ang mga napuntahan lugar, lalo na ang mga paborito niyang Japan, Boracay at Canada.

“Nag-enjoy ako sa Japan dahil masarap ang food nila doon. Favorite ko rin kasi ang ramen lalo na sa kanila is authentic talaga. Isa pa ay naging bonding din namin ito ng brother ko (Jak Roberto) at ni Barbie (Forteza) dahil kasama ko sila noon.

“Sa Boracay naman, na-enjoy ko sya dahil ito ang first time na nakapagbakasyon ako after three years na tuluy-tuloy ang trabaho. After Encantadia ay nabigyan agad ako ng project ng GMA kaya medyo hindi ako nakapagbakasyon.

“Nagandahan naman ako sa Canada kahit short visit lang ginawa ko. Nakita ko kung gaano sila ka-disciplined sa kanilang lugar,” lahad pa niya.

At dahil malapit lang sa bahay niya sa Malolos ang itatayong airport, baka rito na rin daw siya sumakay ng eroplano sa kanyang mga susunod na biyahe.

Read more...