Si Yamyam ang grand winner ng Pinoy Big Brother Otso last year at na tubong-Barangay Anonang ng Inabanga, Bohol.
Sa kanyang bagong YouTube Channel na may 37.3k subscribers at may limang video na uploaded, ibig sabihin ay kasisimula pa lang niya sa vlogging community.
Kasalukuyang nasa probinsya nila sa Bohol si Yamyam at ini-enjoy ang buhay magbubukid kung saan ipinakita niya ang malawak nilang taniman ng mais at mani.
Si Yamyam ay may condo unit dito sa Manila bilang premyo niya nang hirangin siya bilang big winner ng PBB Otso at ang perang napanalunan ay in-invest niya sa dalawang bakery na nasa Inabanga at sa Ubay na kabubukas lang nitong Marso, 2020.
Ibinahagi ni Yamyam ang “Buhay Probinsya” sa vlog at dito ay nakita kung gaano kabilis mamitas ng mais ang binata.
Nakapuno siya ng ilang sakong mais at saka binalatan isa-isa ang mga mais dahil gagawin niyang corn rice.
Ang malawak na taniman naman ng mania ng sunod na ipinakita ni Yamyam, “Kung sino ang bibisita sa akin dito sa probinsya, papakainin ko ng maraming mani.”
Dagdag pa niya, “Kapag nasa probinsya kayo, walang dahilan para magutom ka basta masipag ka, hindi ka magugutom.”
Ikinuwento rin niya na ang tatay niya ay huminto na sa pagbubukid.
“’Yung matatanda kasi kapag hindi nakatrabaho sa bukid, parang manghihina sila. Kaya ‘yung papa ko, patuloy pa rin siya sa pagbubukid kinakahiligan niyang gawin,” pahayag ni Yamyam.
Pagkatapos mag-harvest ay ipinakita ni Yamyam kung paano gawing corn rice ang mais na napitas sa pamamagitan ng manual na gilingan na yari sa kahoy, yero at saka sinasalo ng balde. Dalawang beses pala itong gigilingin.
“Yan, ibabalik ulit para pumino. Hindi kayo naka-experience ng ganito ‘no, kasi mayaman kayo, char,” birong sabi nito.
At nang pumino na ang mais, “Hayan, isasaing ko na para may pangkain na kami.”
Pagkasaing ay nagkainan sina Yamyam at ilang kaibigan sa ilalim ng puno at ang ulam nila ay isdang may dahon ng malunggay.