KUNG may isang tsismis tungkol kay Darren Espanto na hindi mamatay-matay hanggang ngayon, yan ay walang iba kundi ang pagiging bakla raw niya.
Mula noong magsimula siya sa showbiz, palaging ang kinukuwestiyon ay ang kanyang sexual preference.
Bata pa lang ay talagang bina-bash at binu-bully na siya sa social media dahil sa kanyang hindi matiyak na kasarian.
Kaya naman para tuldukan na ang walang kamatayang isyung ito, nagsalita na sa wakas si Darren tungkol dito.
Sa latest vlog ng kaibigan niya at kapwa Kapamilya star na si Kyle Echarri, sinagot ng binata ang lahat ng mga pagdududa sa kanyang pagkalalaki.
Pagsisimula ni Kyle, gusto niyang bigyan ng chance ang kanyang mga celebrity friends na linawin ang mga isyung kinasasangkutan nila sa pamamagitan ng kanyang vlog.
Sa unang bahagi ng video ng young singer-actor natanong niya si Darren kung paano nito hina-handle ang pamba-bash sa kanya sa social media?
“How do I deal with those people? You know what, just don’t mind them.
“Kasi sa industriyang ginagalawan natin, we’re always going to run into people like that, especially bashers. Kasama ‘yan sa mundo ng showbiz. I personally don’t mind them,” sagot ni Darren.
“I know na wala naman silang mas maganda na gawin sa buhay kaysa sa akin like c’mon! That’s pretty much it. Like who cares about them?” aniya pa.
Sumunod dito, tinanong siya ni Kyle kung may isang issue na nais niyang linawin sa harap ng madlang pipol, ano ito?
Diretsong tugon ng binata, ang pagtawag sa kanya ng bading dahil lamang daw sa pagbirit-birit niya ng matataas na kanta.
“A lot of people are like ‘bakla ‘yan kasi ganito, ganyan.’ Ever since The Voice Kids, when I started singing songs for girls or like I have a high voice in general they always assume my sexual preference pretty much.
“But I’d like to let everyone know that I’m straight,” paglilinaw ni Darren.
“Yun lang. Parang kapag bored sila sasabihin nilang ‘Ah bakla ‘yan.’ so ‘yun,” pahayag pa ng singer-actor.
Nagsimula ang showbiz career ni Darren nang maging 1st-runner up sa unang edition ng The Voice Kids sa Pilipinas kung saan naging bahagi siya ng Team Sarah. Si Lyca Gairanod ang naging grand winner dito.
Sa ngayon, nasa Calgary, Canada pa rin si Darren kasama ang kanyang pamilya. Doon na kasi siya naabutan ng lockdown dulot ng COVID-19 pandemic.