Gusto ni Senator Risa Hontiveros na makapagsagawa ang Senado ng komprehensibong pag-audit sa operasyon ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution No. 520 para makapagsagawa ng investigation in aid of legislation para na rin malaman ang paggamit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa remittances ng BCDA para sa modernisasyon ng sandatahang lakas.
Ayon sa senadora maraming katanungan ukol sa naiaambag ng BCDA sa modernisasyon ng AFP.
Katuwiran nito dahil sa mga panlabas at panloob na mga banta sa seguridad ng Pilipinas nararapat lang na matiyak na may sapat na pondo para sa AFP modernization.
Una nang ibinunyag ni General Gilbert Gapay, ang chairman ng Joint Chiefs of the AFP, na nabigo ang BCDA na mag-remit sa AFP ng P13.2 billion, na alinsunod sa Bases Conversion and Development Act.
Itinanggi naman ito ng BCDA sa pagsasabing ang pera ay nasa pangangalaga lang ng Bureau of Treasury at mailalabas din kapag kailangan na ng AFP.
Ang pagkontrahan na ito ng AFP at BCDA ang pinuna ni Hontiveros at aniya ay dapat malinawagan.
Binanggit pa nito na sa Annual Audit Report noong 2017 ng Commission on Audit, walang naging bahagi ang AFP sa mga operasyon ng BCDA sa mga kampo sa labas ng Metro Manila maging sa Clark Special Economic Zone.
Nais lang ni Hontiveros na maitama o mapunan ang mga pagkukulang sa pamamagitan ng lehislatura.