#LOVE wins! #SanaAll! #IkawNaTalaga!
Yan ang ilan sa mga comments ng netizens nang ibandera ni KaladKaren ang engagement nila ng kanyang boyfriend.
Ayon sa TV host-comedienne, after 8 years ng pagiging magkarelasyon, nag-propose na sa kanya ang British boyfriend na si Luke Wrightson.
Sa kanyang social media accounts, ipinost ni KaladKaren o Jervi Li sa tunay na buhay, ang ilang litrato na kuha kanilang engagement.
“OMG!!! After 8 years, we are ENGAGED! HUHUHUHU Na-add to cart ko na… in my life! #Engaged #LoveWins #TransLOVEmatters!” ang caption ng Kapamilya TV host sa kanyang post.
Ipinasilip din niya sa kanyang bagong vlog ang mga eksena kung paano nag-propose sa kanya ang foreigner boyfriend.
“Dati noong bata ako, akala ko wala nang taong magmamahal sa akin dahil bakla ako, transgender ako. Naiiba daw ako.
“Pero nu’ng nakilala ko siya, my own prince charming, nagbago ang lahat. Naging masaya, naging totoo,” lahad ni KaladKaren.
Aniya pa, “Oo nakakatakot magmahal, nakakatakot masaktan, nakakatakot iwanan. Pero sabi nga nila, minsan kailangan mo lang maniwala.”
Ayon kay Luke, hindi planado ang kanyang pagpo-propose kay KaladKaren that night dahil isa lamang yun sa mga simpleng date night nila.
Ngunit sa isang bahagi ng kanilang chikahan ay bigla nilang napag-usapan ang kasal kaya naman biglang pumasok sa isip ni Luke na ito na ang perfect timing para yayaing pakasal si KaladKaren.
Doon nalaman ni KaladKaren na matagal na palang itinatago ni Luke ang engagement ring sa lagayan nila ng kanilang supplies.
Makikita rin sa vlog ng komedyante ang naging reaksiyon ng ilan sa kanyang mga friends sa kanyang engagement kabilang na sina Karla Estrada at Angeline Quinto na nagsabing willing silang kumanta sa kasal ng engaged couple.