ITINUTURING ni Super Tekla na “miracle baby” ang kanyang ikalawang anak na si Baby Angelo.
Abot-langit ang pasasalamat ng Kapuso comedian-TV host sa lahat ng mga tumulong at nagdasal para kaligtasan at kalusugan ng bagong silang na sanggol.
Sa panayam ng GMA 7, nagbigay ng update si Tekla tungkol sa kalagayan ngayon ni Baby Angelo. Aniya, nakayanan ng kanyang anak ang lahat ng kailangan niyang pagdaanan para mabuhay.
Ipinanganak ang sanggol na may anorectal malformation o walang butas ang puwit. Dalawang beses siyang sumailalim sa maselang operasyon na parehong naging matagumpay.
At makalipas nga ang dalawang buwan, masayang ibinalita ni Tekla na normal at maayos na si Baby Angelo.
Sabi ni Tekla sa nasabing interview, “In God’s will at sobrang blessed ‘yung baby ko. After all ng dagok, we’re fighting for almost two months sa hospital, nakikipaglaban.
“And I should say that we won the battle against sa pinagdadaanan ng baby ko and sobrang miraculously he survived sa kanyang two major surgeries, sa neuro niya, lahat-lahat,” simulang kuwento ng komedyante.
“At his young age, sobrang miracle baby talaga. Hindi mo akalain na sa ganung edad ay makakayanan niya ‘yung ganu’ng kabigat na operation. Now, sobrang healthy niya.
“Ang lakas dumede at saka sobrang likot, makulit kaya medyo napupuyat ako kasi kailangan pa rin siyang tutukan from time to time pero all in all, he’s safe, he’s okay dahil na rin po of course sa mga nagdarasal sa kanya at mga tumulong,” aniya pa.
Nagpasalamat siya sa lahat ng naging “guardian angel” ni Baby Angelo, “Of course nandiyan ang GMA. Sa lahat po ng nagpaabot ng panalangin para kay Angelo, talagang pinanghawakan namin ‘yun.
“And thank God, nagwagi kami sa battle. Thank you, thank you! Sobrang gift sa akin ni God ‘to. Kumbaga, higit sa lahat, ito ‘yung pinaka-gift niya na makita ko ‘yung anak ko na healthy at ‘yung na-survive niya, nalampasan niya lahat ng pagsubok at his young age. Two months old pa po si Angelo but now he’s okay, very, very okay. Thank you, Lord!” lahad pa ni Tekla.
Samantala, nagbalik-taping na ang comedy show nila ni Boobay na “The Boobay and Tekla Show” (TBATS) kaya mga bagong episodes na ang mapapanood n’yo simula ngayong Linggo, Sept. 13 sa GMA lang.