Naniniwala ang Phenomenal Star na kung para sa ‘yo talaga ang isang bagay, mapupunta ito sa yo kahit ano pa ang mangyari.
Ibinahagi ng TV host-actress ang ipinost ng isa niyang loyal fan na koleksyon ng kanyang mga lumang tweet na nagpapatunay na halos lahat ng mga hiling niya at nais ma-achieve sa buhay ay natupad.
Kabilang na rito ang maging VJ, magkaroon ng sariling lipstick line, ang maranasang ma-slime sa Nickelodeon, at ang maging super proud sa kanya ang magulang.
“When you have a little touch of Nostradamus in you. Maine Mendoza telling everyone that if you have a dream, then go tweet for it,” ang caption na nakalagay sa nasabing post.
Ayon sa isang website, ang meaning ng “law of attraction” (LOA) ay, “the belief that the universe creates and provides for you that which your thoughts are focused on.
“It is believed by many to be a universal law by which ‘Like always attracts like.’ The results of positive thoughts are always positive consequences.”
At yan nga ang paniniwala ni Maine sa lahat ng nangyari sa kanyang buhay at career.
Aniya sa kanyang FB post, “Law of attraction.
“At (siguro) kung para sayo talaga ang isang bagay, anuman ang mangyari mapapasayo ‘to.
“Minsan gusto natin andyan agad-agad, pero talagang may tamang panahon para sa lahat ng bagay, kaya dapat matuto tayong maghintay.
“Minsan medyo matagal pero pagdating ng panahon baka ikaw rin at ako cheret makakamit mo din yan,” lahad ng dalaga.
Aniya pa, “Nakakapagod man (at nakakainip) minsan pero huwag mo bitawan. Patuloy kang mangarap at maniwala pero shempre matuto din tayong tumanggap ng mga bagay na hindi para sa atin.
“Mararamamdaman mo naman kapag hindi talaga para sayo ang isang bagay, pero hindi ibig sabihin non ay wala na tapos na.
“Merong ibang bagay na nakalaan para sayo at sana kapag dumating na yung tamang oras para doon ay buong puso mong tanggapin ‘yon sa buhay mo,” mensahe pa ng Eat Bulaga host sa kanyang fans at social media followers.
Ang tambalan nila ng Asia’s Multimedia Star na si Alden Richards na AlDub ang isa sa maituturing na pinaka-phenomenal loveteam sa bansa.
Sumikat nang bonggang-bongga ang AlDub sq “Kalyeserye” segment ng Eat Bulaga na gumawa pa ng record sa Philippine TV history.