KUNG walang COVID-19 pandemic malamang lahat ng cast ng pelikulang “Jesusa” ay lilipad patungong Valencia, Spain para dumalo sa South Fusion International Film Festival.
Ang pelikula ay pinangungunahan nina Sylvia Sanchez, Mara Lopez, Mon Confiado, Ynez Veneracion, Uno Santiago at Allen Dizon sa direksyon ni Ronald Carballo at ipinrodyus ni Daddie Wowie Roxas.
Nakakuha ng anim na nominasyon ang “Jesusa” — ang Best Foreign Language Film (Junelle Rayos/Loka My), Best Director in a Foreign Language Film (Ronald Carballo), Best Actress in a Foreign Language Film (Sylvia Sanchez), Best Supporting Actress in a Foreign Language Film (Mara Isabella Lopez Yokohama), Best Score in a Foreign Language Film (Pipo Cifra) at Best Costume in a Foreign Language Film (Bernie Scander).
Matatandaang katatapos lang ng Fusion International Film Festival sa London nitong Pebrero at nakamit ni Mara ang Best Supporting Actress.
Hindi naman nakarating noon si Ibyang dahil may taping siya para sa “Pamilya Ko.”
Hiningan namin ng reaksyon si Sylvia dahil nominado na naman siya sa pagka-best actress, “Katuwa lang na kahit may pandemic nakakakuha ng ganyang recognition.”
Samantala, taong-bahay lang ngayon ang aktres at tulad ng dati niyang ginagawa kapag wala siyang trabaho ay ipinagluluto niya ang kanyang pamilya at nilalambing ang mga anak.
But since back to school na ang bunsong si Xavi through online class kaya ang alaga nitong American Bully na si Bucky ang kalaro ng aktres na pinanggigilan pa niya.