Noong taong 1997 nang ipinasa ng Kongreso ang RA No. 8293 o mas kakilala sa tawag na Intellectual Property Code (IPC). Naging ganap na epektibo o pinatupad naman ito noong January 1, 1998.
Sa ilalim ng Section 200 ng IPC, ang mga Artist ay binigyan ng RESALE RIGHT, habang sila ay nabubuhay, sa lahat ng mga painting at sculpture na nilikha nila. Kung sakali naman na sila ay mamamatay, o patay na ng naging epektibo ang IPC, ang Resale Right ay mapupunta naman sa mga Heir o tagapagmana nila sa loob ng limangpung (50) taon mula ng mamatay ang Artist.
Ang Resale Right ay isang karapatan pinagkaloob ng batas (statutory right) sa mga Artist (o sa mga Heir ng mga Artist) na tumanggap ng RESALE ROYALTY hanggang limang (5%) porsyento ng gross selling price, matapos ang unang bentahan, SA BAWAT BENTAHAN (“in every sale”) ng kanilang mga painting at sculpture.
Ang mga Artist at Heirs ng mga Artist ay nagkaroon na ng Resale Right at karapatan tumanggap ng Resale Royalty sa lahat ng klase ng bentahan o bawat bentahan ng kanilang painting at sculpture na naganap mula January 1, 1998. Kasama dito ang bentahan na naganap sa abroad, o sa pagitan ng dalawang pribadong indiviual kahit walang namagitan na art market professional, bentahan naganap sa isang private o public gathering, pati na ang bentahan sa auction houses dito o sa abroad, art galleries, private or public museums, art dealers at iba pa, mula January 1, 1998 hanggang sa kasalukuyan.
Dahil sa kanilang Resale Right na pinaglaloob ng batas, maaari nilang singilin ng Resale Royalty ang lahat ng nagbenta ng kanilang mga painting at sculpture mula January 1, 1998 hanggang sa kasalukuyan, sa halaga na katumbas o hanggang sa 5% ng gross selling price.
Bagamat may karapatan maningil ng Resale Royalty sa mga bentahan naganap mula January 1, 1998, ang mga Artist at Heir ng Artist ay mayroon lamang sampung (10) taon mula ng nagkabentahan para gawin ito.
Dapat din tandaan na ang magbabayad ng Resale Royalty ay ang nagbenta at hindi ang mga art galleries at auction houses, maliban na lang kung ang mga painting at sculpture na binenta ay pag aari nila (art galleries at auction houses).
Ang batas (Sect 200 ng IPC) sa Resale Right at karapatan tumanggap ng Resale Royalty ng mga Artist at Heirs ng mga Artist ay napakalinaw at hindi komplikado. Walang EXCLUDED na bentahan. Lahat ng bentahan ay may Resale Right ang Artist at Heirs ng mga Artist. Wala at hindi din kailangan irehistro kung saan saan ang mga painting at scuplture para magkaroon ng Resale Right. At lalong walang kapangyarihan binigay ang batas sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) na magtakda kung ilan porsyento ang dapat matanggap ng mga Artist at Heirs ng mga Artist base sa presyo ng napagbentahang painting at scuplture.
Nitong September 5, 2020, nagpalabas ang Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) ng Implementing Rules and Regulations (IRR) tungkol sa Resale Right ng mga Artist at Heirs ng mga Artist.
Ang nasabing IRR ay nagdagdag ng mga alituntunin na wala sa batas o sa IPC, tulad ng pagrerehistro ng mga painting at sculpture sa National Registry of Qualified Works para makuha ang Resale Right. Ito ay hindi tama dahil wala naman ito sa batas o sa Section 200 ng IPC. Ang pagrerehistro ng mga painting at sculpture ay pabigat at dagdag trabaho sa mga Artist at hindi praktikal kaya hindi ito nilagay ng mga mambabatas sa Section 200 ng IPC. Tiyak din na hindi marerehistro ng mga Artist at Heirs ng mga Artist ang mga painting at sculpture na nabili na bago naging epektibo ang IRR noong September 5, 2020. Dahil dito, nawala o maaaring mawala ang Resale Right at Resale Royalty ng mga Artist at Heirs ng mga Artist.
Dineklara din sa IRR na EXCLUDED sa Resale Right ang bentahan sa pagitan ng private individual na hindi dumaan o walang participation ng isang art market professional. Ito ay direktang kontra sa batas o sa Section 200 ng IPC kung saan klarong walang EXCLUDED na bentahan. Maaaring totoo na mahirap matunton at ma-regulate ang mga ganitong klase ng bentahan, ngunit imbes na mag isip at gumawa ng solusyon sa mga ganitong sitwasyon para masunod ang layunin ng batas na protektahan ang mga gawa at intellectual property ng mga Artist at Heirs ng mga Artist, minabuti sa IRR na gawing EXCLUDED ito sa Resale Right. Ito ay hindi tama. Inalisan ng IRR ng karapatan ang mga Artist at Heirs ng mga Artist makakuha ng Resale Royalty sa ganitong klaseng bentahan. Ang karapatan tumanggap ng Resale Royalty sa ganitong bentahan ay binigay ng batas sa mga Artist at Heirs ng Artist at tanging isang batas lamang ang pwedeng bumawi sa karapatang ito. Hindi din ito naaayon sa Constitution (Section 13, Article 14) na nagtakda na pangalagaan at siguruhin ng Estado ang karapatan ng mga Artist sa kanilang mga gawa at intellectual property.
Ang pagtalaga sa IRR kung ano o ilan porsyento ang matatanggap ng mga Artist at Heirs ng mga Artist base sa presyo ng mapagbebentahan ng mga painting at sculpture ay hindi din naaayon sa batas o sa IPC. Una, walang ganito sa batas o sa Section 200 ng IPC. Pangalawa, hindi tama na bigyan lang ng maliit na porsyento (1% para sa bentahang 2 Million Pesos pataas) ang mga Artist at Heirs ng mga Artist dahil mahal nabili ang kanilang painting at sculpture. Ang nangyari ay imbes na bigyan ng parangal ang magagaling na Artist (kasama ang mga National Artist) sila at ang mga Heir nila ay mistulang pinarusahan.
Ang nakakalungkot ay walang provision o binanggit sa IRR tungkol sa mga bentahan mula January 1, 1998 hanggang bago magkaroon ng IRR. Tandaan na hindi kailangan na mayroon munang IRR bago maging epektibo ang IPC. Ang IPC ay naging epektibo noon pang January 1, 1998. Nagkaroon na ng Resale Right at Resale Royalty ang mga Artist noon pa bago magkaroon ng IRR. Pero dahil walang provision ang IRR dito, maaaring mabalewala o tuluyan mawala ang Resale Right at Resale Royalty ng mga Artist at Heirs ng mga Artist sa mga bentahan naganap bago magkaroon ng IRR.
Mas makakabuti,at naaayon sa batas (Section 200, IPC), kung ang Resale Royalty na matatanggap ay 5% ng gross selling price sa lahat ng bentahan kahit magkano pa nabenta ang painting at sculpture. Ito naman ang dapat dahil ang batas ay klaro na sinabi na ang Resale Royalty ay hanggang 5% (to the extent of 5%) ng gross selling price.
Pinasa at sinama ng Kongreso ang Resale Right at Resale Royalty ng mga Artist at Heirs ng mga Artist sa Intellectual Property Code upang tugunan ang obligasyon ng Estado sa Constitution na pangalagaan at siguruhin ang mga karapatan ng mga Artist tungkol sa kanilang gawa at intellectual property. Tila hindi naman ito ang nangyari sa IRR na halos binago at inamendahan ang Section 200 ng IPC. Dahil dito nawala ang ilan karapatan ng mga Artist na nauna ng binigay ng batas at nagdagdag naman ito ng mga mabibigat na obligasyon na hindi naman pinataw ng batas.
Sana mabago ang IRR sa pamamagitan ng agarang paglabas ng isang Revised IRR na naglalaman at naaayon sa tunay na diwa ng Section 200 ng IPC, at ito ay tulungan ang mga Artist at Heirs ng mga Artist.
Sana din sa paglabas ng isang Revised IRR ay matugunan at masolusyunan ang issue tungkol sa bentahan bago magkaroon ng IRR.