TINDERA na rin ngayon ng bigas at suka ang sikat na radio disc jockey at digital influencer na si Nicole Hyala.
Dahil sa matinding epekto ng COVID-19 pandemic sa bansa, napilitan na ring sumabak sa online business si Nicole na nagsimula noong kasagsagan ng enhanced community quarantine.
Aniya, bukod sa bigas at suka may ibinebenta rin silang hands-free alcohol dispensers.
Sa guesting ni Nicole sa “Mars Pa More” ng GMA 7 kamakailan, patok daw sa mga customers niya ang kanilang suka dahil adik naman talaga sa sawsawan ang mga Pinoy.
“Hindi ko talaga inisip na gagawin ko ever. Kasi, hindi man masyadong halata pero mahiyain ako eh. Well, in terms of pagbebenta.
“But then dumating nga ang pandemic, parang na-realize ko, ‘Oh my God. Nababaliw na ko’ kapag wala akong ginawa.
“Paano na lang yung mga bagets? Meron akong one-year-old, may seven-year-old ako. E, siyempre, ang mga raket natin as entertainers, medyo na-slash din.
“So, you have to do something. Tatanggalin mo lang talaga yung hiya. Maging walang hiya. Ha-hahaha!” paliwanag ng DJ.
Payo niya sa iba pang gustong magnegosyo ngayong panahon ng pandemya, maging masipag lang at creative sa pag-iisip ng tamang negosyo para sa iyo. At tanggalin na ang hiya.
“Naku, ngayong panahon ng pandemic, this is not the time para maghiya-hiya. It’s important na maging masipag. Kailangan gagawin ang best para sa pamilya para hindi nganga.
“And always remember that the beginning is always the hardest. Sa una lang naman mahirap.
“Keri boom boom ng powers natin ito. Huwag kang mag-give up. Isa ‘yan sa aking bonggacious na tip,” aniya pa.