Bea umamin na: Malaking bahagi ng pagkatao ko ay parang si Basha

SA kuwentuhan ng “One More Chance” cast na sina Bea Alonzo, Janus del Prado, Ahron Villena, Beatriz Daw at Dimples Romana with Direk Cathy Garcia Molina ay umaatikabong tawanan na naman ang nangyari.

Ito’y mapapanood sa Nickl Entertainment YouTube channel ng box-office director kung saan tawahan to the max ang naganap lalo na nang “paglaruan” nila si Ahron na nawawala-wala ang internet connection at kapag nagsasalita ay buffering naman.

Isa-isa silang sumagot sa tanong kung sino ang Mister or Miss Congeniality sa cast ng “One More Chance” at sino ang mga KJ (kill joy).

Sabi ni Bea, “Si Dimples ang Miss Congeniality.” Na sinang-ayunan naman nina Janus, Ahron, Beatriz at ni Direk Cathy.

At ang itinuro namang KJ, “Kung sino ‘yung wala rito ngayon,” hirit ni Bea sabay tawanan ang lahat.

Ikalawang tanong, “Ano ang tugtog ng buhay mo ngayon?”

“Walang Hanggan ni Quest,” sabi kaagad ni Janus. “Maganda di ba direk, pang John Lloyd (Cruz) na eksena.”

“Marikit” ang sabi ni Ahron sabay sayaw na tinawanan na naman nina Janus, Bea, Dimples, Beatriz at direk Cathy.

“Ako ano, ‘Tuloy Pa Rin ang Awit ng Buhay Ko’ (sabay sayaw),” ang masayang sabi naman ni Bea.

Soundtrack naman ng “Beauty and Beast” ang awit ng buhay ni Dimples, ang “How Does A Moment Last Forever.”

“Ako naman Happy Birthday, kasi naalala ko ang mga anak ko, September ang birth month nila kaya looking forward, 15 and 14 na sila, OMG! Samantalang nu’ng ‘One More Chance’, 2007 nag-celebrate pa sila ng 2 and 1 yr old,” saad naman ni direk Cathy.

Na-on-the-spot naman si Bea kung nakailang pelikula siya kay direk Cathy at nakibilang din ang huli.

“Una Close To You, One More Chance, Miss You Like Crazy tapos Second Chance,” duetong sabi nina direk Cathy at Bea.

Hirit ni Janus, “Direk kulang kayo, may isa pa at kasama ako ro’n.  ‘Yung Four Sisters and A Wedding.” At saka nagkatawanan uli lahat.

Ikatlong tanong, “‘Yung character mo sa One More Chance ay malapit sa totoong ikaw?”

“Yes direk, there’s a Basha in me.  Malaki ‘yung bahagi ng pagkatao ko si Basha,” pag-amin ni Bea.

Pina-elaborate sa aktres ang kanyang sagot, “Siguro combination of different things and qualities that I have, so minsan mabait, minsan salbahe. Ha-hahaha! Fickle minded din ako. Tapos sa Second Chance, ibibigay lahat, o si Basha rin ako roon.”

Wala halos nakapagsalita sa co-stars ng aktres sa “OMC”, dahil sabi nila, “May karga (hugot).”

Hirit ni Janus, “Same rin ako roon as Chino, pero hindi ako mahilig mag-night club sa totoong buhay.  Ano rin ako malakas magyosi, bigay ng bigay ng advise pero sa sarili hindi naman nagagawa sa totoong buhay.”

Si Dimples naman, pareho rin sa totoong buhay niya ang karakter niyang si Krissy na tagabigay ng payo sa co-stars niya sa pelikula at sa personal ay sa kanya rin nanghihingi ng advises ang iba sa kanila at ng iba ring kaibigan nitong taga-showbiz din.

Samantala, nangako naman si direk Cathy na ang susunod na makakakuwentuhan nila ay si John Lloyd Cruz na inaayos lang daw ang schedule.

Read more...