IBINANDERA sa social media ni Manila Mayor Isko Moreno ang kanyang pagpapasalamat sa mga fans ni Jeon Jungkook, isa sa miyembro ng Korean pop group na BTS.
Tuwang-tuwa ang alkalde ng Maynila sa ibinigay na donasyon ng Filipino fans ng sikat na sikat na Korean star para kay Mali.
Si Mali ay ang kilalang elepante na naninirahan sa Manila Zoo sa loob ng mahigit 40 years.
Ayon sa Facebook post ng Manila Public Information Office, ang nasabing fan group, na tinatawag na Golden Alliance PH, ay nagbigay ng pagkain at iba pang supplies para kay Mali.
“TINGNAN: Lubos na pinasasalamatan ng Public Recreation Bureau – Manila (PRB) ang Golden Alliance PH o ang Filipino fanbase ng BTS member na si Jeon Jung Kook dahil sa paghahandog nito ng mga pagkain at kagamitan para sa 47 taong gulang na elepante sa Manila Zoo na si Mali,” ayon sa FB status ng Manila PIO.
Bukod dito, mismong si Mayor Isko ang nag-post sa Twitter ng mga litrato kung saan makikita ang mga volunteer na nagpapakain at nagpapaligo kay Mali.
“Nagpapasalamat tayo sa Golden Alliance PH, ang Pinoy fanbase ng K-pop idol na si Jeon Jungkook ng BTS.
“Ito’y dahil sa pagdo-donate nila ng mga pagkain at kagamitan para kay Mali, ang ating elephant sa Manila Zoo na inaalagaan din ng mga kawani natin mula sa Public Recreation Bureau,” mensahe pa ni Mayor Isko.
Grabe pa rin ang kasikatan ngayon ng BTS sa buong universe, talagang hataw kung hataw ang tagumpay ng K-Pop group.
Bukod kay Jeon Jung Kook, kabilang din sa BTS sina RM, Jin, Suga, J-hope, Jimin at V. Ilan sa mga kantang pinasikat nila ay ang “Boy With Luv,” “Dionysus,” “On” at “Fake Love.”
Gumawa rin ng record ang grupo sa history ng music industry bilang “first all-South Korean act to top the US singles chart” dahil sa latest super hit single nilang “Dynamite”.
Sa katunayan, ang music video ng nasabing all-English song ay humamig na ng mahigit 318 million views sa YouTube.