Sweldo ng tsimay, pinag- interesan ng taga-embassy

ITO ang galit na text ni Glenda, OFW mula sa Kuwait, na ipinadala niya sa Bantay OCW dahil sa labis na sama ng loob.
Nagtrabaho si Glenda sa dalawang employer sa Kuwait. Isang taon at dalawang buwan sa unang amo at tinapos naman niya ang dalawang taon sa kaniyang ikalawang employer.

Tumakas si Glenda sa una dahil napakahigpit nito. Sobra-sobrang oras ng trabaho habang tinapay at itlog lang ang ipinapakain sa kanya araw-araw.

Buo niyang ipinadadala ang buwanang suweldo sa kanyang kapamilya sa Pilipinas kaya’t walang natitira sa kanya para pambili ng sariling pagkain.

Ngunit may apat na buwan pang hindi naibigay na sahod ang unang employer. Kaya naman humingi na ng tulong si Glenda sa kanyang local agency sa Kuwait. Nagharap na anya sa Philippine Embassy ng Kuwait ang kinatawan ng agency at ang kanyang employer at nagkasundo na ibibigay ang kulang pang suweldo ni Glenda at ilang mahahalagang dokumento nito.

Ngunit ayon sa kinatawan ng ating embassy sa Kuwait, na hindi na niya matandaan ang pangalan, ay tanging civil ID at passport lamang ang ang nabawi nila. Hindi na naibigay ang apat na buwang suwledo ni Glenda.

Hindi mapalagay si Glenda. Tinawagan niya ang amo upang singilin sa suweldong hindi pa niya nakukuha.
Pero ang sagot ng amo ay naibigay na niya at iniwan sa Philippine embassy at sa taong humarap sa kanila.

Pinaninindigan ng kanyang employer na bayad na siya.
Ayon kay Glenda, nalaman na lamang niyang pinaghatian pala ng Arabong taga-ahensiya at ng taga-embahada ang kanyang suweldo.

Iyon pa naman daw ang panahong kailangang-kailangan niya ng pera dahil nakatakdang operahan sa mata ang kanyang nanay. Pero wala siyang naipadala dahil “kinangkong” na pala ang kanyang suweldo ng mga taga-embahada.

Tumawag si Glenda sa kanyang kapatid sa Pilipinas upang magsumbong hinggil sa nangyari sa kanya doon. Ngunit ayaw ng kanyang kuya na magreklamo sa takot nitong baka mapahamak lamang siya, lalo pa’t naroroon pa ito sa Kuwait noon.

Dahil dito ay nawalan ng tiwala si Glenda sa mga taga-embahada.

Palibhasa ay hindi na niya matandaan ang taong humarap at umasikaso pa mandin sa kanya sa embahada, hindi na anya siya makakapagsampa ng pormal na reklamo pa.

May panawagan na lamang si Glenda sa mga kapwa niya OFW na huwag pakatitiwala sa mga taga-embahada. Kung maaari ay idokumento lahat ng gagawin sa kanila sa embahada sakaling humingi sila ng tulong dito.

Mag-ingat sa mga bantay-salakay!

Sa halip na magsilbing taga-bantay para sa proteksyon ng ating mga OFW, sila pa ang nang-aabuso sa mga kaawa-awa nating mga kababayan. Para na rin nilang ginahasa ang ating mga kababaihan sa pambababoy na ginawa nila tulad ng nangyari kay Glenda.

Paalala ng Bantay OCW, kapag nakikipag-usap sa sinumang mga opisyal ng ating embahada o konsulado ng Pilipinas saan mang panig ng mundo, kaagad po ninyong kunin ang kanilang buong pangalan at trabaho doon upang kung hindi naging maganda ang resulta ng inyong mga sumbong ay madali po natin silang mabalikan.

Para sa ating mga opisyal …. May konsensiya pa ba kayo? Talaga nga bang pati suweldo ng tsimay (ayon na rin sa pagkagamit ni Glenda) pag-iinteresan n’yo pa??

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 10:30 am-12:00 nn, audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm.
Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700
E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...