SA Luneta Park lang natutulog dati ang 35-anyos na lalaki na siyang nanalo ng P61.8 milyong jackpot prize ng Grand Lotto 6/55 noong Agosto 17 draw.
Nagtungo na sa tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office ang nanalo na kasalukuyang empleyado ng isang kompanya bilang janitor para kunin ang kanyang panalo. Siya ay mula sa Mindanao at may dalawang anak. Kasalukuyan silang nakatira sa Malolos, Bulacan.
Siya ang nag-iisang nakakuha ng mga numerong 01-35-27-13-09-07 na lumabas sa bola ng Grand Lotto noong Agosto 17.
Nagkakahalaga ng P20 ang tama niya ng manalo. Ang mga numerong tinayaan ay kaarawan ng misis at kanyang mga anak.
Sa pakikipagkuwentuhan kay PCSO general manager Jose Ferdinand Rojas II sinabi ng nanalo na siya ay taga Mindanao na niyaya ng kanyang kaibigan na magtrabaho sa Maynila.
Walang mapasukan, napunta siya sa Ilocos Sur kung saan nagtrabaho siya bilang helper sa isang hardware.
Matapos ang dalawang taon ay nagbitiw siya sa trabaho at pumunta sa Maynila upang magbaka-sakali.
“Wala po akong relatives dito sa Manila sir, kaya matagal po akong nagpalaboy-laboy at sa Rizal Park lang po ako natutulog. Hanggang may nakilala po ako sa park, at inalok ako ng trabaho bilang janitor,” saad ng nanalo.
Bibili na siya ng sariling bahay at lupa at pag-aaralin ang kanyang mga pamangkin.
Plano rin niyang kumuha ng prangkisa ng isang fast food chain.
READ NEXT
Nagkamali ang DBM kay Way Kurat
MOST READ
LATEST STORIES